SINISINGIL na ng mga labor groups ang administrasyon sa pangako ni Pangulong Duterte noong kampanya na matitigil na ang ‘endo’ o ‘end of contract’ sa bansa sakaling siya ang manalo sa halalan noong 2016 May presidential elections.
Umuwing luhaan naman ang iba’t ibang labor groups matapos makipagpulong kay Duterte sa Malacañang noong nakaraang Miyerkules matapos namang tahasang sabihin sa kanila na wala pa silang aasahang abolition ng endo.
Dismayado ang mga labor groups matapos sabihin ni Duterte na kailangan pa niya ng mas mahabang oras para pag-aralan ang panukalang executive order kaugnay ng pagbabawal sa contractualization sa pagsasabing posibleng maraming banyaga ang matakot nang mamuhunan kapag ipinatupad ang EO laban sa endo.
Batid naman ng administrasyon na bukod sa isyu ng peace and order, ang pangakong wawakasan ang ‘endo’ ang isa sa mga dahilan kung bakit maraming bumoto kay Digong noong nakaraang eleksiyon.
Pakiramdam tuloy ng mga labor leaders na dini-dribble lamang sila ng administrasyon.
Paano nga naman magdadalawang taon na ang administrasyon at nalalapit na naman ang Araw ng Paggawa sa Mayo 1 pero malabo pa rin ang ipinangakong ipapatigil ang ‘endo’ sa bansa.
Nauna nang sinulat ko noon sa aking kolum na natutulog ang panukalang EO sa opisina ng isang mataas na opisyal ng Malacañang dahil sa umano’y ambisyon niyang maging associate justice ng Korte Suprema at kinukuha niya ang suporta ng mga business groups.
Ang pangamba ng mga labor groups, baka ito ay ma-water down pero ang pinakamalala ay kung ito ay tuluyan nang ibasura dahil sa lobby ng mga negosyante.
Dapat ay hindi manahimik ang mga manggagawa sa isyu. Kaya nga ibinoto ninyo ang nakaupo ay dahil sa ipinangako sa inyong abolition ng endo.
Hindi dapat na mabalewala ang pangakong ito dahil lamang sa pambabraso ng mga negosyante.
Sa ilalim ng talamak na kontraktwalisasyon sa bansa, umaabot lamang ng limang buwan ang mga empleyado dahil pag umabot sila ng anim na buwan, mangangahulugan na sila ay dapat nang gawing permanenteng empleyado.
Bakit nga ba iwas na iwas ang mga negosyante na maging regular na empleyado ang kanilang mga manggagawa? Umiiwas kasi sila sa karagdagang benepisyo para sa kanilang mga kawani.
Hindi maaaring idahilan ng mga employers na malulugi sila kapag ginawang regular ang mga empleyado dahil taliwas ito sa patuloy nilang pagyaman.
Hindi rin kataka-taka na talamak ang contractualization sa pribadong sektor dahil laganap din ito sa gobyerno.
Lalayo pa ba tayo? Mismong sa Malacañang ay talamak ang mga empleyadong sinibak nitong Enero mga contractual lamang, na ang ilan ay deka-dekada nang nagserbisyo.
Hindi na maaaring gawing campaign promise ng administrasyon at maging ng mga politiko na tatakbo sa paparating na halalan ang abolition ng ‘endo’ dahil nasubukan na ito’y pangakong mapapako lamang.
Maraming manggagawang pinaasa lamang kayat dapat ay maging mas nag-iisip ang mga botante.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.