OPM icons sama-sama sa benefit concert para kay Bernardo Bernardo | Bandera

OPM icons sama-sama sa benefit concert para kay Bernardo Bernardo

Cristy Fermin - February 10, 2018 - 12:30 AM

NGAYONG gabi na gaganapin ang isang benefit show para sa magaling na komedyanteng si Bernardo Bernardo sa Zirkoh-Tomas Morato. Walang pagdadalawang-isip na sumagot agad ang kanyang mga kasamahang artista at singers para sa isang gabi ng konsiyerto na ang malilikom ay ipangtutulong sa kanyang maselang gamutan.

Ganu’n kabait ang industriya, hindi na kailangan pang katukin ang puso ng mga personalidad sa mga pagkakataong nangangailangan ng suportang pampinansiyal ang sinuman sa kanila, nand’yan lang sila palagi.

Ngayong gabi, sa “A Song For Bernie,” ay mapapanood sa entablado ng Zirkoh sina Marco Sison, Eva Eugenio, Dulce, Anthony Castelo, Isay Alvarez, Jenine Desiderio, Beverly Salviejo, Jamie Rivera, Gino Padilla, Bo Cerrudo, Alynna at The OPM Hitmen (Richard Reynoso, Renz Verano, Rannie Raymundo, Chad Borja).

Nagkaloob naman ng hindi matatawarang suporta bilang sponsors ang Masterfood Republic, Inc. (The home of Jollicious products), Amana Waterpark (Pandi, Bulacan). Maraming salamat, Mayor Enrico Roque at Zaldy Aquino.

Maraming salamat din sa St. Anne Power Academy of Marilao, Inc., Technological College of St. Pio (San Jose del Monte, Bulacan), Black Beauty Shampoo and Conditioner (The secret to beautiful hair) at Radyo Singko 92.3 News FM.

Gusto naming pasalamatan ang The OPM Hitmen, lalo na si Richard Reynoso, na palaging nagiging daan para makapagbigay sila ng ayuda sa mga kasamahan nilang nangangailangan.

May problema sa pancreas si Bernardo Bernardo, maraming proseso na ang kanyang pinagdadaanan, hiling ng kanyang mga kapwa artista at mga tagahanga na sana’y malampasan niya ang matinding pagsubok na ito.

Huling pelikulang ginawa ng magaling na aktor-komedyante ang “The Significant Other” ng Cineko Productions na pinagbibidahan nina Erich Gonzales, Tom Rodriguez at Lovi Poe sa pamamahala ni Direk Joel Lamangan.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending