Solo lead asinta ng Magnolia Hotshots
Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
4:30 p.m. Blackwater vs Magnolia
7 p.m. Rain or Shine vs Meralco
Team Standings: Magnolia (5-1); San Miguel Beer (5-1); Alaska (5-2); TNT KaTropa (4-3); Barangay Ginebra (3-3); Globalport (3-3); Rain or Shine (3-3); Phoenix Petroleum (3-4); Meralco (2-4); Blackwater (2-4); NLEX (2-4); Kia Picanto (1-6)
ASAM ng Magnolia Hotshots na mapalawig ang kanilang winning streak sa pagtatangkang masolo ang liderato sa pagsagupa nito sa Blackwater Elite sa pagpapatuloy ng 2018 PBA Philippine Cup elimination round ngayon sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Magsasagupa ang Elite, na pilit puputulin ang tatlong sunod nitong kabiguan, at ang Hotshots, na asam ang ikalimang sunod na panalo, sa ganap na alas-4:30 ng hapon bago ang salpukan ng Rain or Shine Elasto Painters at Meralco Bolts sa alas-7 ng gabi.
Ang ikaanim na panalo ay magtutulak sa Hotshots sa ibabaw ng 3-time defending champion San Miguel Beermen at palapit pa lalo sa tangka nito na tumapos na kabilang sa unang dalawang puwesto pagkatapos ng 11 laro na eliminasyon dahil sa twice-to-beat advantage sa quarterfinals.
Hangad ng Elite na mawakasan ang tatlong sunod na kamalasan upang mabuhay ang tsansa na makausad sa susunod na round matapos nitong makamit ang 84-88 kabiguan sa Alaska noong Sabado.
“It’s a very dangerous game for us because Blackwater is coming from a three-game losing streak,” sabi ni Magnolia coach Chito Victolero. “We expect them to come hard and ready to bounce back in this game. We need to match the effort and aggressiveness of Blackwater from start to finish.”
Samantala, kapwa naman asam ng Rain or Shine at Meralco na mapanatiling buhay ang tsansa sa torneo sa ikalawang laro.
Asam ng Elasto Painters na makabalik sa ikaapat na puwesto kahit problemado sa ilang manlalaro na nagpahayag ng kanilang diskuntento sa koponan sa pagsagupa sa Bolts na may 2-4 record.
Kasalukuyang kasalo ng Rain or Shine sa ikalima hanggang ikapitong silya ang Barangay Ginebra Gin Kings at GlobalPort Batang Pier sa 3-3 karta matapos na huling magwagi kontra NLEX Road Warriors kahit hindi na gusto ng ilang players na makapaglaro pa sa koponan sa paggiya ni coach Caloy Garcia.
Kabilang na rito sina Raymond Almazan at Jericho Cruz na nagpahayag ng pagnanais na malipat ng koponan.
“Payag na ang management at si coach Caloy na i-trade si Jericho basta may makukuha silang acceptable na kapalit,” sabi ni Danny Espiritu, ang agent nina Cruz at Almazan. “As for Raymond, sabi ni coach Caloy susubukan pa niyang kausapin at baka konting tampo lang naman.”
Interesado naman kay Cruz ang NLEX, Kia, Phoenix Petroleum at TNT KaTropa. Malaki ang posibilidad na magkaroon ng palitan sa pagitan nina Cruz at Kevin Alas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.