Pinaiimbestigahan ni PBA Rep. Koko Nograles sa National Bureau of Investigation ang pagkakabit umano ng pekeng Vehicle Logic Units sa mga tren ng Metro Rail Transit 3. Ayon kay Nograles ang pag-usok ng bagon ng tren noong Biyernes ay hindi lamang dahil sa hindi magandang maintenance kundi dahil ‘incompatible’ ang mga component na ikinabit sa sistema. Magpapatuloy umano ang pagkasira ng mga tren dahil ang mga orihinal na component gaya Vehicle Logic Units, ang maituturing na utak ng tren, ay pinalitan ng peke. Sa 73 bagon ng MRT, isa na lamang ang mayroong orihinal na VLU, ayon kay Nograles. “The VLU is a very important component of the LRV. The glitches on the MRT3 including the fire that broke out in one of the coaches recently is a result of incompatible parts that were installed on the train system,” saad ng solon. Sinabi ni Nograles na dapat papanagutin ang nagpalit ng VLU at ito ang dapat na tukuyin ng NBI. Ang orihinal na VLU ay ginawa ng Canadian firm na Bombardier Transportation Signal Ltd. Ginawa ito para lamang sa MRT 3. Ang ipinalit umano dito ay gaya ng ABB, ABB-Daimler-Benz o Daimler Chrysler VLUs.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.