ANGELICA PANGANIBAN AT JOHN LLOYD CRUZ
DATI’Y puro haka-haka lang ang mga kuwentong lumalabas na walang naganap na pormal break-up sa pagitan nina John Lloyd Cruz at Angelica Panganiban. Pero hanggang du’n lang.
Walang kumukumpirma ng pangyayari, hanggang pahulaan lang, hanggang sa unti-unti nang nagbibigay ng pahayag si Angelica tungkol sa nangyari sa kanila ni JLC.
Nakakalungkot naman kung totoo nga na ni hindi man lang sila nagkausap nang maayos tungkol sa kanilang paghihiwalay. Bigla na lang umentra sa eksena si Ellen Adarna.
Nagulantang na lang si Angge dahil sina Lloydie at Ellen na pala. At nalaman pa niya ‘yun mula sa ibang tao, sa social media pa, samantalang marami namang puwedeng gawing paraan ang aktor para magpaalam ito nang maayos sa kanyang karelasyon.
Kaya naman pala ganu’n na lang ang kinikimkim na galit ni Angelica, kaya naman pala kapag sina Lloydie at Ellen na ang itinatanong sa kanya ay parang kumukulimlim ang kanyang paligid.
Masakit nga namang basta na lang iwan sa ere ng isang minamahal. Kaya namang tanggapin ni Angelica ang anumang sasabihin sa kanya ni Lloydie kahit gaano pa ‘yun kasakit, pero ang basta na lang siya talikuran nang walang sabi-sabi, na may kapalit na palang iba ay ibang usapan na.