Pinakamalakas na Gilas Pilipinas mabubuo na
MALAYA na si Gilas Pilipinas coach Chot Reyes na makuha ang pinakamagagaling na manlalaro na kinakailangan nito para mabuo ang pinakamalakas na pambansang koponan na sasabak sa mga internasyonal na torneo.
Ito ay matapos na palitan ng bagong Philippine Basketball Association (PBA) Commissioner na si Willie Marcial ang naunang kasunduan na naglilimita sa mga koponan na ipahiram ang kani-kanilang mga manlalaro sa pagbibigay karapatan kay Reyes na makuha ang gusto nito para sa bubuo sa Gilas Pilipinas training pool.
Dahil dito ay maaari na ipahiram ng mga PBA team ang kanilang manlalaro sa pambansang koponan na sasagupa sa mga torneo kabilang na ang 2019 FIBA World Championship.
“‘Yun ang sinabi ko sa inyo na ipi-pitch namin sa Board. Masaya naman tayo na hindi naman ‘yun hinindian ng Board,” sabi ni Marcial matapos ang kanyang appointment bilang ika-10 commissioner ng liga.
Ipinaliwanag ni Marcial na hindi na nito kinailangang kumbinsihin ang Board para aprubahan ang kanyang proposal.
“Talagang sila na ang nagsabi na kung sinong player ang gusto ni coach Chot, pag-usapan natin, basta’t wala lang problema sa schedule ng games,” sabi pa ni Marcial.
Matatandaan na sa dating kasunduan sa pagitan ng PBA at Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ay maaaring kunin ni Reyes ang isang cadet player at isang beterano para makasama sa Gilas Pilipinas pool.
Hindi na ito magiging hadlang ngayon dahil mabibigyan ng kalayaan si Reyes na piliin ang mga pangunahing manlalaro para sa mga internasyonal na torneo at iba pang qualifying na labanan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.