Nadakip ng isang hinihinalang kasapi ng Abu Sayyaf na sangkot umano sa insidente ng pagdukot sa Basilan noong 2001, sa isang plaza sa Zamboanga City, nitong Miyerkules.
Naganap ang pag-aresto wala pa isang linggo matapos madakip ang dalawa pang hinihinalang kasapi ng bandidong grupo sa isang mall sa lungsod, noong Enero 12.
Pinakahuling naaresto si Puyat Saiyadi alyas “Abubakar Diniri/Isikandar Saiyyadi/Puyat Talib Saiyadi,” ng Pata Island, Sulu, sa ayon sa ulat ng Zamboanga Peninsula regional police.
Nadakip ng mga miyembro ng Zamboanga City Police Station 4 (Culianan) Intelligence Section si Saiyadi sa Plaza Pershing dakong alas-10 ng umaga.
Isinagawa ang operasyon sa bisa ng arrest warrant na inisyu ng Regional Trial Court Branch 1 sa Isabela City, Basilan, para sa kasong kidnapping at serious illegal detention, ayon sa ulat.
Nag-ugat ang kaso sa pagdukot ng trabahador sa Golden Harvest plantation sa Brgy. Tairan, Lantawan, noong Hunyo 2001.
Nakaditine ngayon si Saiyadi sa Police Station 4.
Noong Enero 12, nadakip ang mga hinhinalang kasapi ng Abu Sayyaf na sina Emran Sanduyugan Ismael at Bryan Ismail Mohammad sa Mindpro Citimall, para din sa umano’y kinalaman sa pagdukot sa mga tauhan ng Golden Harvest.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending