Nasawi ang dalawang tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology at dalawang armado nang magkabarilan sa Muntinlupa City, Huwebes ng umaga.
Agad nasawi ang isang armado, habang dead on arrival sa Medical Center of Muntinlupa sina JO1 Felino Salazar at JO2 Elmer Malibdao, sabi ni Chief Supt. Ramon Apolinario, direktor ng Southern police District.
Itinakbo naman sa Ospital ng Muntinlupa ang isa pang armado, ngunit idineklara ding patay, aniya.
Naganap ang shootout sa Brgy. Tunasan dakong alas-8:30.
Kalalabas lang nina Salazar at Malibdao sa tanggapan ng BJMP sa naturang barangay, lulan ng motorsiklo, nang makabarilan ang ang isang grupo ng mga armado, ani Apolinario.
Narekober sa pinangyarihan ang baril ng dalawang jail officer at dalawang armado.
Samantala, dinampot ng mga rumespondeng pulis ang isang tauhan ng Bureau of Corrections na nakitang may dalang baril, sa crime scene.
Itinuturing ngayong person of interest ang naturang tauhan ng BuCor habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga armado at pinag-ugatan ng shootout, ani Apolinario.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending