Sylvia halos 24 oras umiiyak sa taping
IPINAKITA sa amin ng “Girl Friday” ni Sylvia Sanchez na si Floramae “Menggay” Dacua ang mga litratong palihim niyang kinunan habang natutulog ang aktres.
Sa ilang kuha, nakalaylay ang ulo ng aktres sa isang upuan, sumandal sa pick-up truck na katabi ng upuan at hanggang sa tuluyan nang inilatag ang kalahating katawan sa sasakyan. Hindi nalalayo ang itsurang iyon ni Ibyang sa mga taong sa kalye nakatira.
“Kinunan mo pala ako Menggay?!” nanlalaki ang matang tanong ng aktres sa kanyang personal assistant. Ang sagot nito, hindi naman daw niya iyon ilalabas.
“Okay lang kung ilabas mo, e, totoo naman. Bakit ako mahihiya? Tulala ako, hindi ako nagbibiro at wala akong pakialam kung sino na ang mga taong nakapaligid sa akin. Kasi nagsimula akong umiyak ng 8 a.m. hanggang 2 a.m., dire-diretso ‘yun, ang pahinga ko lang lunch at dinner break kasi naghahabol talaga kami,” katwiran ni Nanay Sonya, ang karakter niya sa seryeng Hanggang Saan.
Dagdag pa ng aktres, “Para nga raw akong MWSS, hindi tumitigil ang luha.”
Kagagaling lang sa sakit ni Sylvia, on and off ang asthma niya kaya nilalabanan niya ito sa pamamagitan ng exercise.
“Sobrang nagpasalamat nga ako sa Diyos kasi hindi ako nag-pass out. Hindi niya ako pinabayaan kasi ang sakit-sakit na ng ulo ko no’n, gusto ko na iuntog, pero hindi ako puwedeng magreklamo kasi trabaho ito, eh. Pasalamat nga ako’t may trabaho kesa nganga, di ba?” kuwento pa niya.
Maraming pumupuri kay Ibyang sa eksenang nagmamakaawa siya sa mga anak niyang sina Paco (Arjo Atayde) at Domeng (Yves Flores) na patawarin siya dahil sa pagpatay kay Mr. Lamoste (Eric Quizon) pero hindi naman daw niya sinasadya. Halos habulin ng aktres ang hininga niya at halatang paos na rin ang boses sa kaiiyak.
Napapalakpak naman kami habang tumutulo rin ang luha na pinapanood ang eksenang ipinagtatanggol ni Domeng ang ina kay Paco na sinabing kailangang pagbayaran nito ang kasalanang nagawa.
Ang ganda rin ng eksenang nakasakay sa mobile patrol si Ibyang at nakita niyang humahabol ng nakabisikleta si Domeng at pagkita niya sa likod ay si Paco na tumatakbo rin hanggang sa napaluhod na ito dahil nga maysakit sa puso.
Marami ang pumupuri kay Yves na sinasabing “another big thing” ng Star Magic kaya huwag nang magtaka kung madalas na ring mababanggit ang pangalan ng binata sa mga write-ups bukod kay Joshua Garcia na kasabayan niya sa PBB.
Festive naman ang atmosphere sa GMO unit dahil sa magagandang feedback sa Hanggang Saan. Bukod sa napakataas ng rating nito, tuwang-tuwa rin sila sa mga papuring natatanggap mula sa mga kababayan natin sa ibang bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.