Julia Montes ala-Angelina Jolie sa ‘Asintado’ | Bandera

Julia Montes ala-Angelina Jolie sa ‘Asintado’

|January 10,2018
facebook
share this

Julia Montes ala-Angelina Jolie sa ‘Asintado’

- January 10, 2018 - 12:01 AM


MAGSISIMULA na sa darating na Lunes sa Kapamilya Gold ang kwentong aasinta sa laban ng dugo at puso na pinagbibidahan nga ng Daytime Drama Queen na si Julia Montes, ang Asintado.

Mag-aala-Angelina Jolie si Julia sa bagong seryeng ito ng ABS-CBN. Aniya, bukod sa matinding drama, talagang napasabak siya sa maaaksyong eksena na ngayon lang niya gagawin sa tanang buhay niya.

Mapupuno ng aksyon ang bawat hapon ng mga tagasubaybay ngayong makikilala na ng lahat si Ana (Julia), ang dalagang parte ng isang rescue team na pursigidong mabigyan ng magandang buhay ang pamilyang kumupkop sa kanya, malagay man ang sarili sa kapahamakan.

Wala mang inuurungang hamon sa buhay, patuloy naman ang pangungulila niya sa kanyang kapatid matapos silang magkahiwalay sa isang trahedyang pumatay sa kanilang mga magulang.

Sa kanyang serbisyo bilang rescuer, hindi naman inaasahang magkukrus ang landas nila ni Gael (Paulo), anak ng isang maimpluwensyang pamilya na kukuha sa kanya bilang personal nurse matapos siyang iligtas ng dalaga mula sa ilalim ng isang gumuhong minahan.

Sa kanilang pagsasama, magkakalapit ang kanilang mga puso at tuluyang mahuhulog para sa isa’t isa. Ngunit agad din itong mapuputol sa pagdating ni Samantha (Shaina), isang sikat na jeweler at dating nobya ng binata na gagawin ang lahat upang muling mabawi siya.

Dito mag-uumpisa ang paghihirap ni Ana dahil walang-awang ipapapatay ito ni Samantha upang hindi maging hadlang sa kanyang planong mapukaw muli si Gael. Ngunit hindi siya magtatagumpay dahil mabubuhay ang mortal niyang karibal sa tulong ni Xander (Aljur).

Pero sa kanyang paggising, ibang buhay na ang kagigisnan ni Ana dahil ikakasal na si Samantha kay Gael, na lubos na pupuno sa puso niya ng galit at tutulak sa kanyang maghiganti matapos ang malagim niyang pinagdaanan.

Ngunit isang malaking sikreto ang maaaring bumago sa lahat – si Samantha ang nawawalang kapatid ni Ana na lalong sisira sa kanilang mga buhay sa oras na mabulgar ang katotohanan.

Hanggang saan nga ba aabot ang poot nina Ana at Samantha para sa isa’t isa? Sino nga ba ang mananalo sa kanila sa laro ng paghihiganti?

Kasama rin sa cast ng Asintado sina Lorna Tolentino, Cherry Pie Picache, Lito Pimentel, Agot Isidro, Nonie Buencamino, Gloria Sevilla, Aaron Villaflor, Louise delos Reyes, Julio Diaz, Empress Schuck, Chokoleit, Ryle Santiago at Karen Reyes. Ito’y sa direksyon nina Onat Diaz at Lino Cayetano.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Huwag palampasin ang pagsisimula ng Asintado ngayong Enero 15 na sa Kapamilya Gold tuwing hapon sa ABS-CBN.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending