MASAYA at malungkot ang balitang ito!
Nilinaw nga ng Immigration Department ng Hong Kong na walang blacklisting na gagawin ang kanilang pamahalaan laban sa mga dayuhang baon sa utang, ibig sabihin kasama na roon ang mga OFWs doon.
Masayang balita ito para sa mga nabiktima lamang ng ilang mga loan sharks sa HK na halos ipamilit ang pagpapautang kapalit ng napakalaking interes. Pero kung ayaw naman nilang mangutang, di naman sila puwedeng pilitin! Ginusto rin nila iyon!
Kamakailan lamang, inaresto ang ilang mga Pinay OFWs na nakipag-kutsabahan sa mag-asawang HK nationals na sangkot sa pagpapautang sa ating mga OFWs na may 10% interes kada buwan o 120% interes sa loob ng isang taon.
Ito ang dahilan kung bakit hindi pinanghihimasukan ng HK government ang isyung ito dahil alam nilang biktima rin ang maraming mga dayuhang manggagawa roon.
Pero heto naman ang malungkot na balita. Kung hindi nga maba-blacklist ang lubog sa utang na OFW at libre itong makauuwi ng Pilipinas at puwedeng makabalik pang muli sa Hong Kong, paano naman ang kapwa niya OFW na ginawa niyang co-borrower o siyang nag-garantiya para sa kaniyang utang?
Alam naman nating kung ano ang obligasyon ng nangutang, siya rin ang obligasyon ng co-borrower.
Maraming ganyang mga kaso ng ating mga OFW ang magpahanggang ngayon ay pinagdurusahan ng kaniyang co-borrower.
May mga magpapa-awa sa kanilang mga kaibigan upang mapapayag silang garantiyahan ang kanilang pangungutang.
May ilan namang kakarerin talaga ang paghahanap ng mabibiktima. Tuwing araw ng day-off, hahanap ito ng mga bagong mukha at kakaibiganin nila, lalo na ang mga first-timer sa HK, upang kapag kapalagayan na nila ng loob, saka hihingi ng pabor na maging co-borrower niya.
Palibhasa bago sa HK, nakikisama rin at hindi naman alam kung ano ba ang kanilang pinapasok, agad papayag ang ating kabayan.
Mayroon pa ngang paulit-ulit na ginagamit na dahilan ang pagkamatay ng mahal sa buhay, gayong napakatagal na palang namatay ng kaanak.
Iyon at iyon din ang dahilan niya sa tuwing may bagong OFW siyang bibiktimahin makapangutang lamang.
Walang emergency, kundi kapritso lamang!
May isang OFW na nangutang dahil pinatapos niyang ipagawa ang kanilang bahay sa probinsiya. Nang na-terminate siya at pinauwi sa Pilipinas, basta na lang iniwan ang kaniyang responsibilidad.
Ang kaawa-awang co-borrower ang siyang patuloy na nagbabayad ngayon ng kaniyang utang.
Malungkot na katotohanang patuloy pa ring makapambibiktima ang mapagsamantala nating mga kababayan.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/[email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.