La Salle iniwanan na ni coach Aldin Ayo
NABAKANTE na ang puwesto ng head coach sa De La Salle University Green Archers.
Ito ay matapos na tuluyang magpaalam sa Green Archers ang coach nito na si Aldin Ayo.
Ilang oras matapos ang Kapaskuhan ay nagdesisyon ang premyadong coach na si Ayo na iwanan ang Green Archers sa susunod nitong kampanya sa 2018 sa hindi nito ipinahayag na dahilan.
Ito ay matapos na paboran ng 2015 NCAA at 2016 UAAP Coach of the Year na lumipat at tulungang makaahon ang University of Santo Tomas Growling Tigers sa ika-81 season ng UAAP men’s basketball.
Base sa ulat ni Matthew Li ng Tiebreaker Times, ilang sources na nakatutok sa sitwasyon ang nadismaya sa naging desisyon ni Ayo.
“He did not honor his word,” sabi ng isa sa mga source, na tumangging pangalanan, ayon sa ulat.
Una nang ipinahayag ni Ayo ang posibleng paglipat matapos na mabigo ang Green Archers na ipagtanggol ang men’s basketball crown kontra karibal na Ateneo Blue Eagles. Subalit nagbago ito ng isip sa pagbibigay ng kasiguruhan sa La Salle na hindi ito aalis sa pagsasama-sama ng koponan noong Disyembre 19 sa Filoil/Total head office sa Taguig.
Gayunman, biglang nagbago ang desisyon ng dalawang beses naging collegiate champion coach nito lamang Disyembre 26 kung saan sinabihan mismo ni Ayo ang mga team officials na iiwan na nito ang La Salle upang lumipat sa University of Santo Tomas Growling Tigers.
Matatandaan na matapos mabigo ang La Salle sa Game Three ng UAAP Season 80 men’s basketball finals ay inihayag mismo ni Ayo ang ninanais nitong lumipat sa UST matapos ang taon.
“I don’t want to comment on that,” sabi ni Ayo. “Actually, I have lots of friends in UST. ‘Yung pari na nagdala sa akin dito sa Manila, he’s in UST. ‘Yung adviser ko sa thesis ko, he’s a Dominican, he’s also in UST. There are lots of priests na nandun sa UST na friends ko pati alumni. Pero regarding sa issue na ‘yun, I don’t want to comment on that.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.