'Slim chance' na sa mga nawawala sa bagyo; pondo para sa casualties kaya pa --NDRRMC | Bandera

‘Slim chance’ na sa mga nawawala sa bagyo; pondo para sa casualties kaya pa –NDRRMC

John Roson - December 26, 2017 - 08:35 PM
Inamin ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na mababa na ang tsansang buhay pa ang mga taong nawawala matapos ang pananalanta ng bagyong “Vinta,” lalo na yaong mga nalibing sa landslide. Kasabay nito, tiniyak ng ahensiya na mayroon pa itong sapat na pondong maibibigay sa mga nasugatan at sa pamilya ng mga nasawi. “I’ll be honest… nakikipag-usap na tayo sa ating Armed Forces, sila bilang head ng search and rescue cluster, sabi nila slim chances lalo na landslides,” sabi ni Romina Marasigan, tagapagsalita ng NDRRMC, sa isang pulong-balitaan. Sa kabila nito aniya, naniniwala pa rin ang ahensiya sa “milagro,” at umaasang marami sa mga nawawala ay buhay pa, bagamat napadpad lang sa ibang lugar. Di bababa sa 164 katao ang nasawi at 176 pa ang nawawala dahil sa mga landslide at flashflood na dulot ni “Vinta,” ani Marasigan, gamit bilang basehan ang mga ulat na nakalap ng NDRRMC. Sa hiwalay namang impormasyon na nakalap ng Bandera mula sa pulisya’t civil defense offices sa mga lalawigan, lumalabas na 230 na ang bilang ng nasawi, at mahigit 100 pa ang nawawala. Ayon kay Marasigan, sapat pa ang pondo ng NDRRMC para sa ayuda sa mga biktima ng bagyo, sa kabila ng malaki at tumataas pang bilang ng casualties di lang kay “Vinta,” kundi pati sa naunang bagyong si “Urduja.” Sa ilalim ng batas, maaaring makatanggap ang pamilya ng mga nasawi ng P10,000, habang yaong mga nasugata’y maaaring kumuha ng P5,000. Maaari namang makatanggap ng P30,000 emergency shelter assistance ang mga pamilyang “totally damaged” ang bahay, habang yaong mga may “partially damaged” na bahay ay makatatanggap ng P10,000 para sa pagkukumpuni, ani Marasigan. “Mayroon pa po tayong nalalabi na pondo para sa ating mga kababayan pero ang tanong nga ngayon, dahil patapos na ang taon, ngayon nakikipag-usap tayo sa Department of Budget and Management kung sapat ba talaga,” aniya. “Wala pa tayong panawagan for international assistance, so far wala pa naman po, kaya pa po ng government,” sabi pa Marasigan. Kailangan lang, aniya, na magprisinta ng mga kinakailangang dokumento ang mga pamilyang hihingi ng ayuda. Libu-libong bahay ang naitalang nawasak at napinsala dahil sa kina “Urduja” at “Vinta.” Nag-iwan din ang dalawang bagyo ng mahigit P1 bilyon halaga ng pinsala sa agrikultura at imprastruktura.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending