1 kaso ng biktima ng paputok naitala sa Pasko sa Western Visayas-DOH
INIULAT ng Department of Health sa Western Visayas (DOH-6) ang isang kaso ng biktima ng paputok sa kapaskuhan, bagamat malaki ang ibinaba kumpara sa mga nakalipas na taon.
Sinabi ni Dr. May Ann Sta. Lucia, regional coordinator ng Violence and Injury Prevention Program ng DOH, na ginamot ang 12-anyos na batang lalaki sa Dr. Catalino G. Nava provincial hospital sa Guimaras Island noong Disyembre 23.
Natamaan ang mata ng batang lalaki matapos ang pagsabog ng paputok.
Noong isang taon, nakapagtala ng anim na kaso ng biktima ng mga paputok sa rehiyon mula Disyembre 21 hanggang Disyembre 25. Magpapatuloy ang pagmomonitor ng DOH hanggang Enero 5.
Samantala, wala pa namang naiuulat na kaso ng mga nagpapaputok ng baril sa pagdiriwang ng kapaskuhan, ayon sa Philippine National Police in Western Visayas.
Idinagdag ni Sta. Lucia na ang malaking pagbaba ng mga nabibiktima ng mga paputok ay dahil na rin sa Executive Order No. 28 na ipinalabas ni Pangulong Duterte na nagbabawal sa paggamit ng mga paputok.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.