ANG Philippine National Police (PNP), o mga abusadong tauhan nito, ang malaking recruiter para sa New People’s Army (NPA).
Maraming mga mamamayan ang sumasanib o nagsisimpatiya sa NPA dahil sa abusong ginagawa ng mga pulis na hindi naman pinaparusahan ng mga nakakataas.
Tingnan mo na lang yung gagong pulis-Paranaque na si PO3 Van Ichiro Ramos, nanutok ng baril sa kapwa customers sa isang videoke bar sa Pasay City. Matagal na palang abusado at maraming kaso itong si Ramos, pero hindi siya natitiwalag sa serbisyo.
Dalawang halimbawa ng mga abusadong pulis ang ilalahad ko sa column na ito, although lubhang napakarami at di mabilang ang mga pang-aabuso ng miyembro ng PNP sa mga sibilyan.
Sa aking programang Isumbong mo kay Tulfo, napakarami na naming reklamong tinanggap tungkol sa abuso ng pulis sa ordinaryong mamamayan.
Parang makupad ang pagkilos ng mga awtoridad sa mga reklamo. Maraming pulis na nariyan pa sa serbisyo dahil sa hindi o mabagal na aksiyon sa reklamo laban sa kanila.
Isang halimbawa ay si PO3 Marvin Perez ng Baliuag, Bulacan police station.
Si Perez ay may kapatid na si Rosana Reyes na hindi nakakabayad ng renta sa apartment na inuupahan niya at ng kanyang asawang si Michael Reyes.
Dahil matagal nang di makabayad sa kanilang utang ay pinalayas siyempre sila ng kanilang landlady na si Estelita Agluba, 69 taong gulang.
Pinaiwan ni Aling Estelita ang lamesa upang gawing collateral ng mag-asawa para mapilitan silang magbayad.
Ang pag-iwan ng lamesa kay Aling Estelita ay napagkasunduan sa barangay kung saan sila nakatira.
Ilang araw matapos ang kasunduan ay sumipot si PO3 Perez sa bahay ni Aling Estelita.
Kinaladkad ng pulis ang matanda at ang kanyang anak at dinala sila sa presinto.
Sinampahan ni Perez ng kasong theft ang mag-ina at resisting arrest dahil sa ninakaw diumano ni Aling Estelita ang lamesa ng kanyang kapatid.
Nakapagpiyansa sina Aling Estelita pero mga ilang araw rin sila sa bilangguan dahil hindi agad sinampahan ng kaso ang matanda at ang kanyang anak.
Sa isang kasong sukdulan ng pang-aabuso sa kapangyarihan, sinampahan ng kasong attempted robbery, illegal possession of deadly weapon and ammunition at direct assault ang dalawang street diggers.
Ganito ang buong pangyayari batay sa nakalap ng Isumbong mo kay Tulfo:
Nabundol ni PO3 Alan Rich Silva, isang pulis-Maynila, ng kanyang motorsiklo ang lasing na si Regent dela Cruz sa Caloocan City kamakailan.
Naging sanhi ito ng sagutan ni Silva at ni Dela Cruz at ng kanyang kaibigan na si Gilbert Soriano.
Galing sa kanilang opisina sa Department of Public Works and Highways ang dalawang street diggers o naghuhukay ng kalye at kanal.
Bago sila umuwi ay nakipag-inuman sila sa kanilang mga katrabaho na nagsagawa ng Christmas party sa opisina.
Dahil matindi ang pagtatalo ng pulis sa mga dalawang lasing (siyempre makulit na ang mga ito dahil nakainon na), dinala ng pulis sa malapit na barangay hall ang dalawa.
Sinabi ng mga opisyal ng barangay na dalhin sina Dela Cruz at Soriano sa Sangandaan police station upang doon na sila magkaayos.
Pinasamahan kay Romeo Cueto, isang barangay tanod, ang tatlo sa Sangandaan police station.
Sa istasyon, sinampahan ni PO3 Silva ang dalawa ng mga kasong binanggit ko kanina.
Hanggang ngayon ay nasa loob pa ang dalawa sa Caloocan City jail dahil di nila kaya ang piyansang tig-P180,000 bawa’t isa sa kanila.
Paano naman makapagpiyansa ng ganoong kalaking halaga ang naghuhukay sa kalye at kanal?
* * *
Araw-araw, maraming sumasanib sa NPA o nagsisimpatiya sa mga ito dahil sa pang-aapi na dinaranas nila sa kamay ng mga nasa tungkulin, lalo na yung mga pulis.
Hindi nila nakukuha ang hustisya sa korte o sa mga tanggapan kung saan miyembro ang mga nang-api sa kanila dahil silaý mahirap lamang.
Kaya’t masisisi mo ba sila kung gumawa sila ng hakbang na hindi kanais-nais?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.