ATENG Beth, matagal na akong gustong sumulat sa iyo. Kaya lang nahihiya ako. Buti na lang may kaibigan ako na nagtulak sa akin na ipaalam ko ang problema ko sa iba at ikaw ang naisip ko sabihan.
May kapatid ako na involved sa isang lalaki na may asawa na at may dalawang anak. Ang nakakaloka, ateng, nasa iisang barangay lang kami, kaya kalat na kalat ang balita.
Hindi pa naman sinusugod ‘yung kapatid ko ng misis ng dyowa niya.
Sa totoo lang, nakikita kong masaya ang kapatid ko everytime na kasama niya ang dyowa niya. Pero ayaw kong nakikita siyang masaya habang may pamilya naman siyang sinisira. Magiging malungkot na lang siya kesa maging siya ang sanhi ng kalungkutan ng kapwa niya babae at nung dalawang bata.
Hindi ko alam kung paano ko sasabihan ang kapatid ko, na mas matanda sa akin at siyang nagpapaaral at bumubuhay sa amin. Ano sa palagay mong dapat kong gawin? Hindi ko na lang pakialaman tutal buhay naman niya iyon? Salamat in advance, ateng.
Connie, Cebu City
Dear Connie,
Alam mo, ang kailangan lang para mamayagpag ang kasamaan ay kung manahimik ang mabubuting tao, nabasa ko lang ‘yun kung saan, di ko na matandaan.
Ang point – huwag kang manahimik. Alam mo namang mali. Alam mong kamag-anak mo ang gumagawa ng mali. Alam mong nakakasira ang maling ginagawa ng kapatid mo. So the least you can do ay tumalak ka!
Mas matanda sya sa iyo, oo, pero hindi ibig sabihin tama lahat nang ginagawa niya. Minsan kailangan din marinig ng mga magagaling na may pagkakamali sila.
At hindi porke’t siya ang bumubuhay at nagpapaaral sa iyo ay mananahimik ka na lang sa maling ginagawa ng kapatid mo.
Pinakain ka lang, pinag-aral ka lang, hindi ka pinatigil huminga at gumawa nang mabuti. So, gawin mo ang kung ano ang tama.
Siguro naman ‘yung utang na loob mo ay hindi kasama sa pagkunsinti sa mali at nakasisira niyang ginagawa. Tutal kalat na naman ang balita sa ginagawa ni ateng, e di komprontahin n’yo na siya.
Sabi mo nga mas maiging hindi siya masaya pero tama naman ang kanyang ginagawa.
‘Yung pagsaya kasi depende sa perspektibo ng tao. Pero ‘yung mang-agaw ng asawa at tatay ng mga bata, isa lang ang tamang perspektibo dun – mali ‘yun! So kilos na bago pa tuluyang masira buhay ng mga bata, at maging ang buhay niya!
Pag pinili ni Ate ‘yung gusto niya, e, di choice niya na ‘yun. Ang mahalaga ay may mga nagmamalasakit na pamilya na nag-warn sa kanya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.