MAY apela ang mga Pinoy na nakabase sa Texas, USA, sa Department of Foreign Affairs— buksan ang Philippine consulate sa siyudad.
Ang Texas ang ikalawang pinakamalaking estado ng Amerika, kasunod ng Alaska.
Maraming mga Pinoy sa Houston ang hindi nakapag-renew ng kanilang pasaporte sa isinagawang outreach program ng Philippine Consular Office sa Los Angeles.
Bukod sa marami ang hindi nakapag-renew ng pasaporte, marami rin ang hindi nakapagproseso ng kanilang dual citizenship dahil sa kakulangan ng oras na inilaan para rito.
Meron ding mga hindi nakakuha ng appointment para sa passport renewal sa ilang beses nilang pagtatangka sa website ng consulate office.
Ano na raw ang gagawin nila ngayong hindi sila umabot? Walang umaasikaso sa kanilang tanong.
Mas magiging madali rin umano sa mga Pinoy doon kung magkakaroon ng extension office doon ang National Statistics Office para sa mga nangangailangan ng NSO authenticated birth o death certificates.
Matagal kasi kung ipadadala pa ang request dito sa Pilipinas.
Mayroon noong consulate ang Pilipinas sa Texas pero isinara ito noong 90s dahil konti lang ang Pinoy expatriates noon sa bahaging iyon ng Amerika. Ngayon ay nasa 200,000 na sila at karamihan at mga doktor, nurse at teacher.
***
Napag-uusapan ang pagsabotahe sa operasyon ng Metro Rail Transit Line 3.
Totoo nga kaya ito o guni-guni lang?
Ang sigurado, hindi ang mga pasahero na pumipila at nagtitiis sa siksikan ang sasabotahe sa mga tren.
Ano naman ang mapapala nila, di ba? Maiistorbo sila sigurado at kung mamalasin ay mapabababa pa kung hindi makakabiyahe ang mga tren.
Sino nga ba ang sasabotahe sa MRT? Lilinawin ko lang na ito ay mga teorya na walang basehan. Isipin lang natin kung sino ang mga pwedeng sumabotahe.
Ang Busan Universal Rail Inc. kaya? Inalis na sa kanila ang maintenance contract ng MRT dahil sa dami ng aberya. Kung mapapatunayan nila na kahit na hindi sila ang may hawak ay nasisira ang MRT, baka may mapala sila. Ibig sabihin, sirain na talaga ang mga tren.
May nagsasabi na baka ang contractor na gustong makuha na ang kontrata. Kung magpapatuloy ang pagkasira ng mga tren, mapipilitan ang gobyerno na magmadali na maibigay ang kontrata sa iba.
Hindi naman siguro aangal ang publiko kung maibibigay na ang kontrata kung titino ang serbisyo.
Ang hirit naman ng isa pang miron, baka ang Point-to-Point bus operators ang sumasabotahe sa operasyon ng MRT.
Kung sira ang MRT, darami ang sasakay na pasahero sa kanilang mga tren. Ginagawan na rin ng paraan para mas maging mabilis ang biyahe ng mga P2P buses sa EDSA.
Hindi naman maitatanggi na makikinabang din sila kung hihinto muna ang operasyon ng MRT.
Kung ikaw nga naman ang pasahero, ang pipiliin mong sakyan ay ang P2P bus dahil hindi ito hinto nang hinto.
Pwede lang silang huminto sa piling lugar hindi katulad ng pangkaraniwang pampasaherong bus.
Sa palagay n’yo, kung may sasabotahe sa MRT sino kaya ito? O baka naman wala talagang sumasabotahe, nagkakataon lang talaga na madalas masira.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.