SWS: Mga Pinoy handang tumulong sa mga biktima ng Marawi
Nakararaming Filipino ang handang tumulong sa mga naging biktima ng gulo sa Marawi City, ayon sa survey ng Social Weather Station.
At ang nangungunang tulong na kayang ibigay ay dasal o magpamisa.
Sa tanong kung ‘Gaano po kayo ka-handang tumulong sa mga naging biktima ng krisis sa Marawi City? sinabi ng 60 porsyento na sila ay handa, 20 porsyento ang hindi at ang nalalabing 20 porsyento ay hindi segurado.
Pinakamarami ang handang tumulong sa Mindanao (70 porsyento) na sinundan ng Metro Manila (68 porsyento), Visayas (57 porsyento) at iba pang bahagi ng Luzon (54 porsyento).
Sa tanong kung anong tulong ang kayang ibigay ng mga handang tumulong, 54 porsyento ang nagsabi na dasal o paisa para sa mga biktima.
Sumunod ang pagbibigay ng relief goods (51 porsyento), pagbibigay ng damit (49 porsyento), magbibigay ng pera (16 porsyento), tutulong sa pagre-repack at paghahatid ng relief goods (13 porsyento), pagaalok ng sariling bahay para may matuluyan ang mga biktima (4 porsyento), pagbibigay ng libreng sakay (2 porsyento) at pagbibigay ng gamot (0.1 porsyento).
Ginawa ang survey mula Setyembre 23-27 at kinuha ang opinyon ng 1,500 respondents.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.