3 patay sa NPA attacks | Bandera

3 patay sa NPA attacks

John Roson - November 16, 2017 - 06:34 PM
Tatlong tauhan ng gobyerno ang napatay at isa pa ang nasugatan sa mga insidenteng kinasangkutan ng New People’s Army sa iba’t-ibang bahagi ng Luzon at Mindanao nitong nakalipas na dalawang araw, ayon sa mga otoridad. Noong Martes ng gabi, napatay ang isang sundalo nang makasagupa ng mga tropa ng pamahalaan ang NPA sa Ligao City, Albay, sabi ni Chief Insp. Arthur Gomez, tagapagsalita ng Albay provincial police. Nasawi si Pfc. Ryan Belga, 23, miyembro ng Army 83rd Infantry Battalion at residente ng Polangui, aniya. Nagsasagawa ng operasyon ang mga miyembro ng 83rd IB sa Brgy. Balanac pasado alas-10 at nang palapit na sa kanilang target ay naengkuwentro ang di mabatid na bilang ng rebelde, ani Gomez. Nagpadala ng iba pang mga team ng sundalo para i-reinforce ang mga napalabang kawal at magsagawa ng blocking operations, alas-2 at alas-3 Miyerkules ng umaga. Isa pang team ang ipinadala para tiyaking ligtas ang dadaanan ng mga napalabang kawal, alas-9 ng umaga ring iyon. Nito namang Miyerkules ng umaga, napatay ang isang tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology nang pagbabarilin ng mga rebelde sa kanyang bahay sa Placer, Masbate, sabi ni Senior Insp. Ma. Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Bicol regional police. Paalis si JO3 Allan Alburo ng bahay sa Brgy. Matagangtang lulan ng owner-type jeep dakong alas-7:20, nang sumulpot ang mga rebelde at siya’y pinagbabaril, ani Calubaquib. Noon namang Miyerkules ng gabi, nasugatan ang isang kawal nang makasagupa ng Army 5th Infantry Battalion ang mga rebelde sa Tangub City, Misamis Occidental, sabi ni Supt. Lemuel Gonda, tagapagsalita ng Northern Mindanao regional police. Naengkuwentro ng mga kawal ang di mabatid na bilang ng armado sa Brgy. Fertig Hill dakong alas-7:30, aniya. Nagpakalat na ng tauhan ang Tangub City Police para tumulong sa pursuit operation, ani Gonda. Sa katabing lalawigan ng Zamboanga del Norte, napatay ang isang militiaman nang paputukan ng mga armado ang patrol base ng kanyang team sa bayan ng Sergio Osmeña Sr., Miyerkules ng umaga. Nakatanod si Jessie Octan, 26, miyembro ng Special Civilian Active Auxiliary ng 5th IB, sa kanyang puwesto sa Brgy. Bagumbayan nang tamaan ng balang ipinutok mula sa kalapit na burol, ayon sa ulat ng Zamboanga Peninsula regional police. Ikinasawi ni Octan ang mga tama ng bala sa kaliwang balikat at dibdib. Gumanti ng putok ang mga kapwa militiaman ni Octan at napansin sa burol, na halos 500 metro lang ang layo sa outpost, ang pag-atras ng isang di kilalang tao.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending