Mocha hindi na mapipigil ang pagtakbo ni Kris kahit maglulupasay nang nakahubad
SINORPRESA kami ng sunud-sunod na text messages sa amin ng matagumpay na aktor-TV host na si Willie Revillame. Biyaya ‘yun sa isang makulimlim at maulang hapon.
Sabi ni Willie ay nasa New York daw si Kris Aquino at ang kanyang mga anak, pero may mensaheng gustong iparating sa amin, nabasa raw ni Kris online ang aming kolum na lumabas nu’ng Linggo sa pahayagang ito.
Isang depensa kay Kris ang nasabing kolum, pinitik namin si Mocha Uson sa sinabi nitong kapag pumasok sa mundo ng pulitika si Kris ay ibang usapan na, tama na raw ang palpak na serbisyong ibinigay ng namayapang si Tita Cory at ni P-Noy.
Sa aming opinyon ay walang karapatan ang kahit sino, lalo na si Mocha Uson, na pangunahan ang anumang gustong pagdesisyunan at gawin ni Kris sa hinaharap dahil sarili niyang buhay ‘yun.
Maglulupasay man nang nakahubad si Mocha Uson sa kalyeng dadaanan ni Kris papunta sa COMELEC para sa pagsusumite ng kanyang certificate of candidacy ay wala itong magagawa. At wala itong karapatang husgahan ang kung anumang gustong pasuking mundo ni Kris Aquino.
Hawak-hawak ni Kris ang lahat ng katangiang kinakailangan mula sa isang kakandidato. May karapatan siya at hindi ilusyunada dahil matalino siya at pampulitikang pamilya ang kinagisnan niya.
Bakit hindi na lang kasi ang departamento ng PCOO ang tutukan ni Mocha Uson. Napakarami nilang dapat gawin para hindi sila nalalagay sa alanganin na mauuwi sa pangmemenos at pagtatawa sa kanila ng taumbayan.
‘Yun ang dapat pakialaman ni Mocha, hindi ang nananahimik na si Kris Aquino, hindi nito dapat idamay si Kris sa matinding galit nito sa mga Dilawan.
Ang nakatataba ng pusong mensahe ni Kris para sa amin na pinadaan niya kay Willie, “Dear Tita Cristy, Sending this c/o Willie (a.k.a. my fairy godfather)—I saw online what you wrote in BANDERA. MARAMING SALAMAT. It was very much appreciated. Love, Kris.”
Ang text niya naman kay Willie, “Sobrang na-touch ako. Tita Cristy wrote this. Please extend my sincere GRATITUDE.”
Napakasarap makatikim ng pagpapahalaga lalo na mula sa isang personalidad na napipitik din namin kapag kailangan. Pero alam ni Kris Aquino ang totoo, maraming beses na naming napatunayan sa kanya na kapag siya ang nasa tama, handa kaming makipaglaban para sa kanya.
Mas maraming salamat, ingat ka palagi, Krissy.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.