‘Paalam, Isabel Granada…isang mapayapang paglalakbay…’
SADYA po kaming hindi nagsulat ng blind item sa aming kolum ngayon bilang pagbibigay-pugay at paglalaan ng espasyo para sa isang personalidad na kailanman ay hindi na uli namin makikita.
Pumanaw na nga si Isabel Granada, simula nu’ng October 24 nang mag-collapse siya ay hindi na siya nagkamalay pa uli, napakabata niyang nagpaalam sa edad na kuwarenta’y uno lang.
Child star pa lang si Isabel nang ipakilala sa amin ng kanyang discoverer na si Kuya Baying Decena.
Nagsusulat kami nu’n sa Jingle Sensation, wala pang That’s Entertainment nu’ng mga panahong ‘yun, sa mga patalastas lang napapanood ang child star na si Isabel.
Madalas silang dumalaw ni Mommy Guwapa sa aming opisina, dalawang kanto lang kasi ang layo ng kanilang bahay sa Jingle Publications, nilalakad lang nilang mag-ina ang P. Tuazon para makarating sa aming pinagtatrabahuhan.
Malayo ang pangarap ni Mommy Guwapa para sa kanyang anak. Hindi naman imposibleng mangyari ‘yun dahil napakaganda ng kanyang unica hija, bukod pa sa magaling umarte at kumanta, walang mali sa itsura ni Isabel.
Silang dalawa lang ang namumuhay sa isang apartment na inuupahan nila. Meron silang kubo sa labas ng kanilang bahay, du’n nagluluto ang kanilang kasambahay, ayaw nilang nangangamoy-ulam ang bahay nila.
Hindi sila gaanong kumakain ng mga putaheng Pinoy, puro hamburger at french fries lang ang pinagsasaluhan ng mag-ina, kahalili nu’n ang fried chicken na mga pakpak ang paboritong bahagi ni Isabel.
q q q
Sa garil na pananagalog ng Españolang si Mommy Guwapa ay madalas nitong sabihin, “Hindi ko wini-wish na maging beauty queen si Issa, napakaliit niya, pero gusto ko siyang sumikat na artista.”
Nagbukas ang That’s Entertainment ni Kuya Germs, pinag-loveteam sila ni Michael Locsin, nagtambal din sila ni Reuben Manahan. Sa pangkabataang programa ni German Moreno mas nagpamalas ng husay sa pagsayaw at pagkanta si Isabel Granada.
Marami rin siyang nagawang pelikula, napanood sa maraming programa sa telebisyon, hanggang sa mag-asawa na siya at nanirahan sa Angeles City, Pampanga.
Nagkaroon sila ng isang anak ni Jeryk Genasky, masalimuot ang kuwento ng kanilang paghihiwalay, hanggang sa nagkakilala na sila ni Arnel Cowley.
Walang gustong maniwala na aneurysm ang dahilan ng pagkawala ng malay ni Isabel sa Doha, Qatar. Napakaaktibo niya sa pagba-volleyball, gym buff ang singer-actress, maalaga siya sa katawan.
Pagkatapos nang halos dalawang linggong pananatili sa ICU ng Hamad General Hospital sa Doha, Qatar ay bumigay na si Isabel Granada nu’ng Sabado.
Magaganda ang senyal nu’ng mga unang araw dahil stable ang kanyang vital signs, pero ang importante ay ang magising siya, hindi ‘yun nangyari mula nang maospital siya.
Life support na lang ang nagpapahaba pa sa kanyang buhay, hindi na sumasagot ang kanyang sistema sa mga gamot, kaya bandang alas kuwatro nu’ng Sabado nang hapon ay idineklara nang patay si Isabel Granada.
q q q
Minsan pang naganap sa sitwasyon ni Isabel Granada ang kasabihan na sa halip na ang anak ang maghatid sa kanyang magulang sa huling hantungan ay siya ang nagdadalamhating ihahatid ni Mommy Guwapa sa kanyang pinakahuling luklukan.
Napakabata pa ni Isabel Granada para magpaalam pero ‘yun ang naturalesa ng buhay. Walang pinagbabatayang edad, antas ng pamumuhay at iba pang barometro, dahil kapag dumating na ang ating takdang oras ay aalis at aalis na tayo.
Ang sinsero po naming pakikiramay sa lahat ng mga mahal sa buhay na iniwan ni Isabel Granada.
Madali lang sabihin na nasa isang tahimik na mundo na siya ngayon pero dalangin namin na sana’y matanggap ni Mommy Guwapa ang pagkawala ng kanyang kaisa-isang kayamanan sa mundo.
Paalam, Isabel Granada, isang mapayapang paglalakbay…
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.