Ex-manager ng SexBomb nalulong sa sugal, inatake ng depresyon
NGAYONG gabi, eksklusibong makakapanayam ng Kapuso Mo, Jessica Soho ang Pinay contestant sa X Factor UK na si Alisah Banaobra.
Isang Pilipino na nga lang ang natitira ngayon sa nasabing British reality music competition. Kung tutuusin, natanggal na si Alisah noong nakaraang linggo pero matapos ipagsigawan ng mahigit 5,000 miyembro sa audience ang kanyang pangalan, sinabak siya sa isang sing-off at muling nakabalik sa kompetisyon.
Sa exclusive interview ni Jessica Soho, ikukuwento ni Alisah ang mga pinagdaanan niya bago nakarating sa entablado ng X Factor. Ibabahagi rin niya kung ano pa ang mga dapat sa kanya’y antabayanan sa patuloy na pag-init ng labanan.
Sa linggong ito idineklara na mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte na malaya na ang Marawi mula sa mga terorista. Pumunta si Jessica Soho sa Marawi para kumustahin ang naturang siyudad, ang mga kababayan nating naapektuhan dito, at maging ang mga sundalo. Pero ang ilan sa mga magigiting nating sundalo, nag-viral matapos kumasa nitong nakaraang linggo sa isang kakaibang hamon—ang pagbe-Baby Shark Dance Challenge sa gitna ng warzone.
Naging mainit na usapin nitong mga nakaraang linggo ang depression. Isang paksa na kalimitang iniiwasan pero ngayon marami na ang lumalantad para bigyan ng mukha ang naturang kondisyon.
Ang dating manager ng Sex Bomb Dancers na si Joy Cancio aminadong dumaan sa matinding depression matapos malulong sa pagsusugal at mawala ang mga proyekto. Ang mahusay na aktor naman na si Soliman Cruz, inaming dahil sa paggamit ng ilegal na droga, nalihis ang kanyang buhay at na-depress din. Ngayong Mental Health Awareness Month, pag-uusapan ng KMJS kung paano haharapin ang mga problema sa ating mental health.
Lahat yan at iba pang napapanahong issue mapapanood sa Kapuso Mo, Jessica Soho, ngayong Linggo, pagkatapos ng Daig Kayo ng Lola Ko sa GMA.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.