Nasawi sa giyera sa Marawi lampas 1,000 na–AFP
John Roson - Bandera October 11, 2017 - 07:04 PM
Umabot na sa mahigit 1,000 ang bilang ng mga taong nasawi sa sagupaan ng mga tropa ng pamahalaan at ISIS-linked na Maute group sa Marawi City, ayon sa militar.
Umakyat sa 802 ang bilang ng mga napatay na kasapi ng Maute group habang 160 sundalo’t pulis ang nasawi, sabi ni Armed Forces spokesman Maj. Gen. Restituto Padilla sa pulong-balitaan.
Nananatili naman sa 47 ang bilang ng nasawing sibilyan, matapos ang 142 araw nang sagupaan, ayon sa datos ng militar.
Nadagdagan ang bilang ng mga napatay na kasapi ng Maute group dahil nakarekober ng 22 bangkay sa dalawang gusaling pinagkutaan ng mga terorista, ani Padilla.
Narekober ang mga bangkay nitong Martes, matapos maglunsad ang militar ng assault sa mga naturang istruktura, aniya.
“Our operating units first verified that the terrorists are the only ones in the buildings before they launched the assault,” sabi ni AFP public affairs chief Col. Edgard Arevalo sa isang kalatas.
Napatay na isang tinyente ng Army nang magkabakbakan noong kasagsagan ng assault, ani Padilla.
Bukod sa mga bangkay ng terorista, nakarekober din ng dalawang rocket-propelled grenade launcher, apat na M16 rifle, isang M4 rifle, M14 rifle, at “dose-dosenang” improvised na bomba sa mga gusali, aniya.
Sa mga naturang gusali, na nasa loob ng “main battle area,” pinaniniwalaang ginagawa ng mga terorista ang mga ginagamit nilang IED, ani Padilla.
Tinatayang 40 terorista pa ang nalalabi sa sa loob ng 5-ektaryang bahagi ng lungsod, kasama ang 42 hostage, ani Padilla.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending