Andrea, Grae magpapakilig sa bagong Wansapanataym
ISA na namang kwentong puno ng aral ang matutunghayan ng manonood sa pagbida ng tinitingalang teen stars na sina Andrea Brillantes at Grae Fernandez sa Wansapanataym Presents: Louie’s Biton simula ngayong Linggo ng gabi.
Panoorin sina Andrea at Grae sa unang pagbibida nila bilang loveteam, sa Wansapantaym kung saan ibabahagi nila ang kahalagahan ng pagiging kuntento sa buhay na siguradong kapupulutan ng aral ng mga kabataan linggo-linggo.
Kilalanin si Louie (Grae), ang batang lumaki sa marangyang buhay ngunit kasulukuyang dumaranas ng paghihirap matapos mamatay ang ama. Hirap man sa buhay, kasama naman niya ang kanyang inang si Mary Jane (Dimples Romana) na nagtatrabaho para sa pang-araw-araw nilang pamumuhay.
Pinagmumulan din ng kanyang saya at lakas si Tori (Andrea), ang kanyang kaibigan at babaeng iniibig.
Isang araw, nalaman ni Louie na magkakaroon ng basketball clinic ang kanyang paaralan at magsisilbing coach ang idolo niyang PBA player na si Ralph Lorenzo (Aljur Abrenica). Ngunit dahil sa pagtitipid ng ina at sirang sapatos panlaro, hindi ito makakasali sa basketball clinic, dahilan naman para kutyain siya ng mga kaklase niya.
Susubukan niyang ipaayos ang kanyang sapatos sa sapaterong si Mang Dolino (Jojit Lorenzo). Maririnig ng sapatero ang nais ng binatilyong maranasan ang marangyang buhay ng ibang tao, kaya naman upang matulungan si Louie, magpapakilala si Mang Dolino bilang isang fairy god leather.
Ipagkakaloob ng fairy god leather ang mahiwagang biton na ipapahid naman niya sa sapatos ni Ralph upang maranasan ang buhay nito. Ngunit aabusuhin ni Louie ang kapangyarihan ng biton at gagamitin ang katawan ni Ralph upang makaganti sa mga kaklase na magdadala sa kanya ng matinding kaparusahan.
Ano nga kaya ang magiging kapalit ng kapangyarihang ipinagkaloob kay Louie? Sino ang makatutulong sa kanya mula sa kaparusahan?
Kasama rin sa Wansapanataym Presents: Louie’s Biton sina Louise delos Reyes, Mico Palanca, Irma Adlawan, Brace Arquiza, Marina Benipayo, Dionne Monsanto, Paeng Sudayan, Simon Ibarra at Marnie Lapuz. Ito’y sa direksyon ni Benedict Mique.
Huwag palampasin ang kwentong kapupulutan ng aral sa Wansapantaym Presents: Louie’s Biton ngayong Linggo (Oct 1) sa ABS-CBN.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.