Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
2 p.m. UST vs UP
4 p.m. FEU vs DLSU
AGAD nagpakita ng malaking pagbabago ang National University Bulldogs sa ilalim ng bago nitong coach na si Jamike Jarin matapos sungkitin ang unang panalo kontra University of the East Red Warriors, 86-69, sa unang araw ng kompetisyon ng UAAP Season 80 men’s basketball Sabado sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Agad hinawakan ng Bulldogs ang bentahe sa pagsisimula pa lamang ng laro kung saan nagtala ito ng 11 puntos na abante sa unang yugto at hindi na nito binitiwan hanggang sa huling segundo ng laban tungo sa pansamantalang pagkapit sa liderato.
“It’s so good to win on your very first game for the team,” sabi ni Jarin, na inako ang responsibilidad Enero ngayong taon matapos na magbitaw ang dating coach na si Eric Altamirano. “It is so nice to feel na for two hours, kami ang leader, and then after the second game, we are tied for the lead, and then after Sunday, nasa lead pa rin kami.”
Huling itinala ng Bulldogs ang pinakamalaki nitong abante na 17 puntos, 80-63, may 4:13 pa sa laro bago na lamang pinanatili ang kalamangan tungo sa ikatlong sunod nitong pagwawagi kontra Red Warriors sapul na mawalis ang dalawa nitong laro noong nakaraang taon.
Pinamunuan nina Dave Yu, Reggie Morido, Jayjay Alejandro at Issa Gaye sa pagkolekta ng 48 puntos sa kabuuang 86 sa laro ng Bulldogs.
Kumulekta si Yu ng 14 puntos dagdag ang 2 rebounds, 2 assists at 2 steals habang si Morrido ay may 12 puntos, 6 rebounds, 3 assists, 1 steal at 1 block. Si Alejandro ay nag-ambag ng 11 puntos, 5 rebounds, 7 assists at 5 steals habang si Gaye ay may 11 puntos, 9 rebounds at 3 blocks para sa NU.
Sa ikalawang laro ay binigo ng Ateneo Blue Eagles ang nakatapat na Adamson Soaring Falcons, 85-65, para makisalo sa liderato.
Samantala, hindi makakalaro ngayon para sa nagtatanggol na kampeong De La Salle University Green Archers sa pagsisimula nito sa kampanya para sa ikalawang sunod na titulo si Season 79 Most Valuable Player Ben Mbala kontra sa host Far Eastern University Tamaraws.
Muling maghaharap ang DLSU Green Archers at FEU Tamaraws sa gitna ng hardcourt sa tampok na laro alas-4 ng hapon eksaktong dalawang linggo matapos ang naganap na “basketbrawl” sa isang mini-tournament sa selebrasyon ng Kadayawan Festival sa Davao City.
Una munang magsasagupa ang Season 79 host University of Santo Tomas Growling Tigers kontra University of the Philippines Fighting Maroons sa alas-2 ng hapon kung saan kapwa nakahinga ang dalawang unibersidad mula sa sorpresang desisyon noong Biyernes ng UAAP Board of Trustees para papaglaruin sina Steve Akomo at Ibrahim Ouattara.
Si Akomo ay lalaro para sa UST Growling Tigers habang si Ouattara ay bibitbitin ang UP Fighting Maroons uniform sa kanilang unang pagsabak sa torneo. Una nang idineklarang ineligible ang dalawang manlalaro sa desisyon ng UAAP Eligibility Committee at pinagtibay ng UAAP Board of managing directors.
Asam ng UST na mapaganda ang ikawalo at huling puwestong pagtatapos noong nakaraang taon matapos na magtala lamang ng kabuuang rekord na 3 panalo at 11 talo. Hangad naman ng UP Fighting Maroons na masundan ang ikaanim na puwestong pagtatapos sa naitala nito na 5 panalo at 9 kabiguan.
Dahil sa hindi paglalaro ni Mbala at pagkawala ni Jeron Teng na nagtapos ng kanyang playing years noong nakaraang taon, sasandigan ng Green Archers ang mga lokal nitong manlalaro upang papagningasin ang kampanya nito sa back-to-back na titulo sa paghugot sa una nitong panalo.
Si Mbala ay kasalukuyang naglalaro para sa Cameroon national team sa 2017 FIBA Afrobasket. Ang Cameroon, na 52nd ranked na bansa sa mundo, ay nabigo naman sa laban nito sa Tunisia, 51-68.
Inaasahan din na hindi makakapaglaro si Mbala sa ikalawang laban ng Green Archers kontra Bulldogs sa Setyembre 18 kung makakatuntong ang Cameroon sa finals ng Olympic qualifying na torneo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.