MATATANDAANG nagsimulang kumuha ng maraming babaeng OFW ang Taiwan para sa mga trabahong nakalaan sana para sa mga kalalakihan.
Iyon ang mga panahon na nakikipagsabayan din ang mga babae sa mga trabaho sa computer noon.
Sumunod naman ang mga babaeng welder. Dati-rati, pawang mga lalaki lamang ang nasa larangan ng welding. Ngunit nang magkaroon ng pangangailangan para sa mga babae, sinabayan din ng TESDA ang pagbibigay ng skills training para sa kanila.
Ngayon, mga babaeng machine operator naman ang kailangan sa Taiwan! Pero bakit nga ba mas pabor ang Taiwanese employers sa ating mga kababaihan?
Sa kabuuuan, mas gusto nga nila ang Pinoy dahil masisipag umano ang mga ito, mahaba ang pasensiya at mabilis umintindi. Mabilis pumik-ap ‘ika nga!
Napakahalaga nga naman ang mga katangiang iyan sa isang manggagawa. Kung hindi masipag, iinit lang ang ulo ng employer kung tamad ang nakuha niya, at hindi iyon maganda sa negosyo.
Napapansin din pala ang pagiging pasensiyoso o pasensiyosa ng isang OFW. Kung may pasensiya nga naman, hindi ito mainipin upang matapos ang trabaho kahit pa napakahirap pa noon.
Kung malakas din ang pasensiya ng tao, mapipigilan ang anumang sigalot sa pagitan ng kapwa manggagawa at magiging mapagbigay pa nga, na nangangahulugang makakagpokus siya sa kanyang trabaho.
Ngayon, bakit nga ba mas pinipili ang mga babae para sa mga trabahong panlalaki?
Ayon sa ating mga opisyal, mas gusto nga raw sa Taiwan ang mga babae dahil mas pulido ang trabaho ng mga ito hanggang sa pinakamaliit na mga detalye. Hindi nanginginig ang mga kamay, nakaprente sabi nga.
Walang bisyo tulad ng pag-inom ng alak at hindi pumapasok nang lasing!
Para sa mga kababaihan kasi, hindi pupuwede ang basta puwede lang! Dapat talagang puwedeng-puwede!
Iyan ang bentahe kung bakit kumukuha ang mga dayuhang employers ng mga babae. At siyempre pa, maliwanag din kasi sa isang babae ang dahilan ng kanyang pag-aabroad.
Palagi nating naririnig ang mga katagang: “alang-alang sa pamilya” o “para sa pamilya” kaya naman sineryoso ng mga babaeng OFW ang kanilang trabaho, sinusulit nila iyon.
Karamihan sa kanila, may mga pamilyang iniiwan, asawa at mga anak na maliliit pa. Tanging layunin lamang ng kanilang pag-aabroad ang makapagpadala ng regular sa pamilya, may pagkain sa bawat mesa, nakakapagpaaral sa eskwela at hinahangad na mabilis na matapos ang kanilang mga kontrata upang makabalik sa pamilya sa lalong madaling panahon.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.