MARAMI ang hindi natanggap sa trabaho sa jobs fair sa Luneta noong Araw ng Kasarinlan. Marami rin ang ipinababalik para sa karagdagang panayam. Ang tawag ng Department of Labor and Employment diyan ay “mismatch,” o hindi angkop ang qualification ng aplikante sa trabahong kanyang inaaplayan. Sa Senado at Kamara ay marami ring mismatch. Sinusuwelduhan na sila ng taumbayan, pinag-aaral pa ang mga walang alam para lamang maging ganap na mambabatas. Mismatch nga.
Nagtataka si Cpl. Bautista (di ko kamag-anak) kung bakit tinawag na “modernization” ang pagbili ng lumang mga barko sa US. Ang tanong niya: modernization ba kapag bumili ka sa ukay-ukay?
Nag-text ang Bandera loyalists sa Mindanao na 10 oras na ang tagal ng brownouts sa 17 lalawigan. Pinakamalawak na ito. Ang solusyon ng gobyerno ay tinawag na “stop-gap measures.” Ha?! Kailan? Pero, nakabimbin pa ang pagkukumpuni sa mga planta ng Agus 1 at Palangui 2. Kapag ibinalita sa diyaryo na lumago ang ekonomiya sa pamumuno ni Pangulong Aquino, nagmumura ang mga taga-rito. Oo nga naman.
Sa Visayan at Luzon ay patuloy ang pagtaas ng singil sa kuryente. Sa Metro Manila ay humihingi ang Maynilad at Manila Water ng 8% at 5% dagdag-singil sa tubig. Pinapatay na talaga ang mahihirap at pinahihirapan na rin ang middle class.
Kung pakikinggan ang mga residente sa dalampasigan ng San Pedro, Laguna, darating ngayong tag-ulan ang mas malalang Ondoy. Hindi hinukay (dredging) ang Laguna de Bay. Sa habagat noong 2012, hindi humupa sa loob ng tatlong buwan ang baha sa mga bayan sa Laguna na nasa gilid ng lawa. Pinabayaan na nga ang Laguna.
Payag ka ba, na inihanay na sina Ninoy at Cory kina Jose Rizal at Andres Bonifacio?
Nagpapasalamat ang mga taga-Zamboanga City sa Philippine Airlines, ang nagbiyahe nang libre pa-US at pabalik, kina Kabang, veterinary surgeon Anton Lim at mga kasama.
Pakiusap nila na mabasa ito sa Bandera.
MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Sir Lito, weekly may pinapatay, away-politika man o personal. Kulang ang pulis dito sa Abra, o kundi’y nagtatago sila kapag nasa delikadong lugar. Mabuti pa ang Marines, 100% nakaka-acomplish. Bumalik muli ang jueteng dito, buong Abra pa. Dapat NBI ang manghuli sa mga ito. …3933
Sit Lito, sang-ayon ako na itigil na ang mga partylist. Yung partylist ng mga sekyu, wala namang nagawa para a mga guwardiya. Sila yumaman, guwardiya naghirap. …4865
Tama ka, Katropang Lito. Ang unang report na ipinalabas sa Robredo tragedy ay mechanical at missing vital parts. Pinagalitan ang CAAP ni DOJ De Lima. Then, lumabas na pilot error. Kung buhay lang si Robredo. …5028
Nalubog sa baha sa Espana, Maynila ang lumang kotse ko noong gabi ng Hunyo 11. Hindi ko sana ilulusong ang kotse ko kung hindi sinabi ng traffic enforcer na, “sige, sir, kaya pa yan.” Kasabwat siya ng tulak boys. …1023
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.