Isang taong suspendido ang mayor ng Toledo City sa Cebu kaugnay ng pagtanggi umano nito na ibigay ang pondo na nakalaan sa isang barangay. Ang suspensyon ay parusa kay Mayor John Henry Osmeña, dating senador, na napatunayang nagkasala ng Office of the Ombudsman sa kasong Grave Abuse of Authority. Siya ay sasampahan din ng kasong graft sa Sandiganbayan. Ayon sa Ombudsman tumanggi umano si Osmeña na ipalabas ang quarterly real property tax shares ng Brgy. Daanlungsod na nagkakahalaga ng P17.7 milyon para sa nakolektang buwis sa huling kalahating taon ng 2014 at buong taon ng 2015. Sa kanyang counter-affidavit sinabi ni Osmeña na mayroong boundary dispute ang Barangay Sangi at Daanlungsod na nakabinbin sa Court of Appeals kaya hindi niya ipinalabas ang pondo. Pero ayon kay Ombudsman Conchita Carpio Morales matagal ng natapos ang boundary dispute ng maging final and executory ang desisyon ng Sangguniang Panlungsod noong 2011. Sa ilalim ng Local Government Code ang SP ang nagreresolba ng boundary dispute. “Respondent’s bad faith becomes evident when despite the foregoing circumstances, [Osmeña], without basis, withheld the release of the real property tax shares of the Barangay Daanlungsod which caused the latter undue injury.” Sinabi ng Ombudsman na sa ilalim ng LGC dapat ibinibigay ang pondo sa barangay treasurer limang araw matapos ang isang quarter.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.