FYI lang, di hudas si gov | Bandera

FYI lang, di hudas si gov

Jimmy Alcantara - August 15, 2017 - 12:15 AM

IMBES na “sunugin” ang tao na pinagkuhanan niya ng kanyang impormasyon ukol sa P100
milyon suhol umano ng dilawang grupo upang wasakin ang kanyang pamilya ay mas ninais ni Gov. Imee Marcos na sabihin na hindi totoo ang kanyang isiniwalat sa media.
Protecting the source ang tawag dito. Maraming mamamahayag ang mas pinili na lamang na magpakulong kesa ibunyag ang kanilang confidential source sa mga balita na may kaugnayan sa maling gawain at korupsyon sa mga institusyon at politika.
Sentro ang source confidentiality sa ethics ng pamamahayag. Kapag isiniwalat mo ang pangalan ng nagbigay sa iyo ng impormasyon sa kondisyon na hindi mo sila pangangalanan, ibinasura mo ang kanilang tiwala. Hindi ka na muling pagkakatiwalaan ng iyong source at ng iba pa na nakaalam sa iyong pagtatraydor.
Tumatak sa publiko ang ginawa ni Imee. Sa halip na pulaan at i-bash sa kanyang pagbabago ng pahayag, marami ang bumilib sa kanya. Hindi niya inilaglag ang ibang tao bagkus ay ibinunton niya ang sisi sa kanyang sarili.
Sa naganap na pagdinig ng House committee on good government and public accountability kung saan pinagbantaan siya ni Ilocos Rep. Rudy Farinas na ipakukulong kung hindi papangalanan ang kanyang source sa isyu ng P100 milyon na kumalat umano sa Kamara, tila nasukol si Imee.
Pero iba ang nangyari.
Mahirap pangatawanan ang pangako ng confidentiality lalo na kung mga taong makapangyarihan ang nag-uutos sa iyo na ibandera ang iyong source. Maaari kang akusahan na sinasagkaan ang batas sa hindi pagsisiwalat sa source, pero maaari kang tawaging walang salita at kredibilidad kapag ginawa mo ang kabaligtaran.
Sa totoo, madali lang pangalanan ni Imee ang kanyang source (isang mambabatas na taga-Mindanao) pero mas ninais niyang tuparin ang pangako na poprotektahan ito at akuin na lang ang resposibilidad sa usapin ng suhulan.
Dahil sa kanyang ginawa ay hindi nagtagumpay si Farinas at mga kaalyado na hiyain at maipakulong si Imee, di gaya ng ginawa nila sa tinaguriang Ilocos 6 noong Mayo 29.
Simula pa lang ng kontrobersya ukol sa paggamit ng excise tax mula sa tabako ay wala na talaga kay Farinas at sa mga taga-Kamara ang simpatya ng masa.
Dalawang buwan mo ba namang buruhin ang mga empleyado ng Ilocos Norte sa kulungan, sa kabila ng kautusan ng Court of Appeals na palayain ang mga ito, ano ang aasahan nila?
Hindi ba alam ni Farinas na malaking mantsa sa pangalan niya ang ginawa niyang pagpapakulong sa Ilocos 6 dahil mismong kababayan niya ang naapi?
Ang sabi, ang dapat na ginawa ni Farinas ay si Imee mismo ang kanyang ipinakulong at hindi ang kaawa-awang Ilocos 6 dahil nakopo ng mga ito ang simpatya.
Tuloy ang banta ng karamihan ng mga taga-Ilocos Norte sa kanya:
May paglalagyan si Farinas at ang kanyang pamilya sa 2019 elections.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending