Hindi dapat iniiyakan ang mga Parojinog
HABANG kinukwestiyon ng mga human rights advocates at ilang mga mambabatas ang pagkakapatay kay Reynaldo Parojinog Sr. at 14 pa katao kasama ang kanyang asawa, nagdidiwang ang taumbayan.
Oo nga’t alam ng lahat na salvage ang ginawa kay Parojinog, pero merong ginawang senaryo ang mga pulis at iginalang na nila ngayon ang talino ng taumbayan.
Garapal kasi ang ginawang pagsalvage kay Mayor Rolando Espinosa ng Albuera, Leyte, pinaghihinalaang drug distributor sa Eastern Visayas.
Walang pakialam ang taumbayan kung sinalvage sina Parojinog dahil masasamang tao sila.
Marami pa ngang nagtatanong kung bakit pinaligtas pa ang dalawa nitong anak, na isa na rito ay si Ozamiz City Vice Mayor Nova Parojinog-Echaves.
Dapat ginalang daw ng mga pulis ang karapatang pantao ng mga Parojinog.
Bakit, noong sila’y namamamayagpag sa Metro Manila bilang mga holdaper at kidnaper, iginalang ba nila ang mga buhay at ari-arian ng iba?
Ang tawag diyan ay karma.
Karma ang natamo nila: Kung ano ang iyong itinanim, siya mong aanihin.
Gumawa ka ng masama sa iyong kapwa, may gagawa rin sa iyo ng masama; gumawa ka ng kabutihan at may kabutihan na darating sa buhay mo.
Bakit hindi alam ng karamihan ang batas ng karma?
Dahil ang alam nila, lalo na yung mga Katoliko, na kapag pinagsisihan nila ang kanilang naging kasalanan, patatawarin sila ng Diyos.
Oo nga’t patatawarin sila ng Diyos sa kanilang kasalanan, pero ipadadama sa kanila ang ginawa nila sa kanilang kapwa sa pagdating ng takdang panahon.
Walang nakakaligtas sa batas ng karma.
***
Hindi pinatalsik si Customs Commissioner Nicanor Faeldon kahit na nanawagan na ang ilang mambabatas na siya’y magbitiw sa tungkulin.
Ang desisyon na mapanatili si Faeldon sa puwesto ay kay Pangulong Digong, and that’s his prerogative.
Pero kung kilala ko si Digong, padadamahin muna niya si Faeldon bago niya ito sisibakin.
Ayaw kasi ng Presidente na siya’y dinidiktahan kung ano ang kanyang gagawin.
Kapag gagawin niya, dapat sa kanyang desisyon at hindi sa iba.
***
Dapat na talagang umalis si Faeldon dahil hindi na maipagtatanggol ang kanyang puwesto.
Unang-una, siya’y incompetent o walang alam sa kanyang trabaho.
Madali rin siyang mabuyo o madala ng kanyang mga kasamahan sa military na kanyang dinala sa Bureau of Customs.
Pangatlo, at pinakamasakit pero ayaw niyang aminin, si Faeldon ay
tanga.
Kung hindi siya tanga, bakit siya pinaiikutan ng kanyang mga tauhan, lalo na yung kanyang mga kasamahan sa Oakwood Mutiny noong July, 2003.
At bakit nakalusot ang napakalaking shipment na shabu kamakailan na nagkakahalaga ng P6.4
bilyon sa practically kanya mismong harapan?
Dahil aanga-aanga nga siya.
***
Hinalukay ko ang background ni Faeldon sa military.
Siya’y isang mediocre o sampay-bakod na opisyal ng Philippine Marines.
He was considered a second rate officer dahil hindi siya graduate ng Philippine Military Academy (PMA). Mababa kasi ang tingin sa mga opisyal na hindi nakatapos sa PMA.
Di rin maganda ang kanyang career pattern: Inalis siya sa combat zone at ni-reassign sa headquarters, nakapagtataka para sa isang batang opisyal.
Isang Marine officer ang nagsabi sa akin na pinanatili ng Marine Corps ang reputasyon na ang mga miyembro nito ay “cool under fire” o hindi natitinag sa labanan.
Ang isang Marine officer na nasapian ng takot sa combat zone ay binabalik sa headquarters upang hindi pamarisan ng kanyang mga tauhan.
Nakakahawa raw ang karuwagan sa combat, sabi sa akin ng Marine officer.
Habang naglilimlim si Faeldon sa Marine headquarters ay nakatagpo niya ang mga kapwa opisyal sa ibang branches ng Armed Forces na may hinanakit sa mga awtoridad dahil sa corruption.
Napasama si Faeldon sa ibang opisyal na magrebelde sa awtoridad at ang plano ay naisakatuparan at naging Oakwood Mutiny noong July, 2003.
Pinagdusahan ng kanyang mga kasamahan ang kanilang misadventure sa kulungan, pero si Faeldon ay hindi nagpahuli at lumitaw na lang nang mabigyan sila ng pardon.
Upang maibsan ang galit sa kanya dahil sa hindi niya pagsama sa kanila sa kulungan, kinuha ni Faeldon ang kanyang fellow mutineers sa Bureau of Customs nang siya’y maging hepe nito.
Ang kanyang mga kasamahan, at maging siya, ang naghahasik ng lagim sa customs.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.