Noven haharap na sa korte para sa kasong sexual assault; kailangang bumalik sa Cebu
TAMA lang ang ginagawang pananahimik ni Noven Belleza. Mas madalas na nagiging epektibo ang pananahimik kapag nalalagay ang isang personalidad sa indulto.
Wala siyang salitang binibitiwan ay wala rin siyang babawiin. Ganu’n din ang ginawa nu’n ni Jason Abalos nang pagbintangan ito ng pangmomolestiya ng isang kolehiyala.
Pinabayaan lang ng aktor na magkukuda nang magkukuda ang babae, wasak na wasak si Jason sa social media dahil nagtawag pa ito ng mga kakampi, hanggang sa mamatay na lang ang isyu.
Mas magandang manahimik na lang muna si Noven, pabayaan lang niyang magsalita ang kampo ng babae, meron na ngang isang lumutang na kaibigan daw ng babae na nagkuwento tungkol sa diumano’y pagsasamantala niya sa babae pero agad din namang binura nito ang kanyang post.
Malapit nang dinggin ang kaso sa RTC-Cebu, mas magandang sa husgado na lang siya magsalita, sa dokumento na lang niya isalaysay ang kanyang depensa tungkol sa ibinibintang sa kanya.
At sana’y ihiwalay ni Noven Belleza ang senaryong ito sa kanyang propesyon. Ituloy lang niya ang pagkanta, meron mang bumabagabag sa kanyang isip ay kailangang tuloy pa rin ang kanyang hanapbuhay, hindi ‘yun sapat para patigilin ang ikot ng kanyang buhay at karera.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.