‘Bobong’ aktor harap-harapang ipinahiya ng mataray na aktres
MATALINO pero kilalang-kilala ang isang female personality sa pagiging prangka at taklesa. Kahit ano ang gusto niyang sabihin ay talagang binibitiwan niya, dire-diretso, walang kahit sinong makapipigil sa kanya.
‘Yun na kasi siya nu’n pa, ‘yun na ang kanyang imahe, sobrang prangka. Maraming katrabaho niya ang naiilang sa aktres dahil pakiramdam ng mga ito ay pagmamalditahan lang sila anumang oras ng magandang aktres.
“‘Yun na talaga kasi siya. Maramot siyang magpakawala ng papuri, para bang nahihirapan siyang pumuri, kaya ang palaging takot ng mga kasamahan niya, e, baka pagmalditahan lang sila ni ____ (pangalan ng aktres).
“Hindi rin kasi siya nagri-reach out sa mga co-stars niya. Parang may sarili siyang mundo, parang siya ang kailangang lapitan kahit ng mga veteran stars.
“E, di ba, ang karaniwang kostumbre, kung sino ang mas naunang nag-artista, kung sino ang mas senior na sa pag-arte, e, ‘yun ang binibigyan ng pagpupugay ng mga baguhan?
“Iba ang bumibida sa kuwentong ito, wala siyang pakialam sa ganu’n, hindi siya lumalapit sa mga mas nauna sa kanya, pantay-pantay lang ang tingin niya sa lahat.
“So, hindi siya nagbibigay-pugay sa mga veteran stars, lalo na sa mga baguhan, wala siyang pakialam sa mga ‘yun. Ganu’n siya katindi, kaya ang lahat ng mga nakakatrabaho niya, e, ilag na ilag sa kanya, sa totoo lang,” kuwento ng aming source.
Hindi naman siya reklamadora pero pinakaayaw niya sa lahat ay ang may makaeksena siyang bano sa pag-arte. Du’n lumulutang ang kamalditahan niya, talagang sinisita niya ang artista, pinangangaralan niya.
“Naalala n’yo ‘yung ginawa niya sa isang hunk actor na maporma lang, pero hamonadong umarte? Take 4 na kasi sila, pero hindi pa rin makuha-kuha ng kaeksena niya ang dapat gawin.
“Sabi ng lola n’yo, ‘Saan ka ba galing? Nakapag-workshop ka ba? Go back to grade one!’ Laban kayo sa kamalditahan niya? Kaya nga siguro sila nagkahiwalay ng isang sikat na TV host, di ba?” pagtatapos ng aming impormante.
Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, kailangan n’yo pa ba ng clue, di na siguro!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.