Ate Guy, Rhian pinuri sa unang The EDDYS Awards; dapat gayahin ng ibang artista
PINALAKPAKAN ang Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) sa pangunguna ng Presidente nitong si Mr. Isah V. Red sa matagumpay na The EDDYS (Entertainment Editors’ Awards) na ginanap sa KIA Theater nitong nagdaang Linggo.
Mahigpit ang SPEEd sa oras at walang sinayang na sandali dahil 7 p.m. ang nakalagay na oras sa imbitasyon at saktong 8 p.m. ay nagsimula na ang event.
Sampung minutong late kami kaya hindi namin napanood ang opening number nina James Reid at Nadine Lustre, ang inabutan namin ay ang pagpapasalamat na ng gumanap na OFW sa “Sunday Beauty Queen” na siyang nagwagi bilang Best Documentary Film.
Palakpakan ang lahat nang banggitin ni Miss Sunday Beauty Queen na hindi siya makapaniwala na isa lang siyang domestic helper sa Hongkong, pero nakatayo siya sa harapan ng mga nirerespetong entertainment editors sa Philippine Showbiz para tanggapin ang award.
Ikalawang production number sina Ella Cruz at Julian Trono, ang komento ng mga katabi naming nanood sa VIP section ay mas bagay daw silang pumasok sa Girltrends at Hashtag ng It’s Showtime.
Napagkamalan namang si Cristine Reyes ang Viva artists na si Phoebe Walker na kasama nina AJ Muhlach at Ali Khatibi na naging presenter. Sila ang mga bida sa pelikula ng Viva Films na “Double Trouble.”
Shock naman ang lahat kay Bela Padilla kasama si JC Santos na kabilang din sa mga presentor, para raw kasing tumaba ang aktres o masikip lang ang suot niyang gown? Panay ang hila niya pababa sa kanyang gown dahil nasisilipan na siya sa harapan.
Sumunod ang production number ng FPJ’s Ang Probinsyano stars na sina Arjo Atayde at Yassi Pressman kung saan sabay-sabay na naglabasan ng cellphone ang nasa audience para i-video sila. Bilib na bilib ang lahat kay Arjo dahil hindi nila inakala na humahataw din pala sa dance floor ang anak ni Sylvia Sanchez.
Kasama namang dumating ni Mother Lily Monteverde ang mga anak para tanggapin ang Movie Producer of the Year award na ipinagpasalamat naman niya dahil lagi raw nakasuporta sa lahat ng projects niya ang SPEEd at entertainment writers mula pa noong itayo niya ang Regal Films six decades ago.
Ang Joe Quirino Award naman ay ipinagkaloob sa nag-iisang King of Talk na si Boy Abunda.
Natahimik naman ang lahat nang tanggapin ni Direk Maryo J. delos Reyes ang Posthumous Award para sa namayapang filmmaker at scriptwriter na si Joaquin “Jake” Tordesillas. Ani direk nagdadalamhati pa rin sila sa pagkawala ng miyembro ng pamilya nila (partner sila for 45 years).
Binigyan naman ng tribute nina Martin Nievera, Morisette Amon, Klarisse de Guzman at Ogie Alcasid ang namayapang composer na si Willy Cruz, kinanta nila ang ilan sa mga napasikat nitong awitin.
Eksaktong 9:30 p.m. ay tapos na ang awards night bagay na nagustuhan ng lahat dahil ang bilis ng pacing hindi tulad sa ibang award giving bodies na nahihilo ka na sa gutom at antok dahil sa tagal kaya panay ang bati sa grupo ng SPEEd.
Pinuri rin ang production design ng The Eddys, simple lamang ito pero maganda at malinis. Binabati rin namin ang mga taong nasa likod ng production na pinamahalaan ng Viva.
Sana sa ikalawang taon ng The Eddys ay marami nang artista ang dumalo tulad din ng pagpunta nila kapag may presscon o may project silang ipo-promote at humihingi ng tulong sa entertainment editors at writers para isulat sila.
Napuri naman ng lahat si Ms. Nora Aunor at si Rhian Ramos na parehong nominado sa pagka-best actress dahil maski hindi sila nanalo ay dumating pa rin at nakangiting umalis ng KIA Theater. Sana sa ibang award giving bodies ay ganito rin ang gawin na sa mismong awards night lang nila malalaman ang mga mananalo.
Nabatid namin na pagkatapos pala ng botohan ng SPEEd ay idiniretso na agad sa accounting firm ang mga boto para sa tabulation.
Ito’y para mawala na rin ang taon-taong isyu na may naganap na “bayaran” para manalo ang isang nominado. At higit sa lahat, para umangat din ang pangalan ng mga katoto na hindi na lang laging nasasabihang, nagpabayad para ipanalo ang kanilang mga manok.
Narito ang kumpletong listahan ng mga nagwagi sa The Eddys 2017.
Best Documentary: Sunday Beauty Queen; Best Supporting Actor: John Lloyd Cruz; Best Supporting Actress: Angel Locsin; Best Musical Score: Everything About Her; Best Sound Design: Seklusyon; Best Theme Song: Saving Sally; Best Visual Effects: Seklusyon; Best Editing: Die Beautiful; Best Production Design: Die Beautiful; Joe Quirino Awardee: Boy Abunda; Manny Pichel Award: Lav Diaz; Producer of the Year: Lily Monteverde; Best Cinematography: Seklusyon; Best Screenplay: Everything About Her; Eddys Posthumous Awardee: Jake Tordesillas; Best Actor: Paolo Ballesteros; Best Actress: Vilma Santos; Best Director: Lav Diaz; Best Picture: Ang Babaeng Humayo.
Ang The Eddys Entertainment Editors Awards ay mapapanood sa Hulyo 16, Linggo sa ABS-CBN’s Sunday’s Best pagkatapos ng Gandang Gabi Vice.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.