PAGOD, gutom, uhaw — ganyan ang dinadanas ng mga sundalo natin na nakikipaglaban sa grupong kaalyado ng Islamic State sa Marawi City. At sa kabila noon, kailangang maging alerto sila sa lahat ng oras.
Mind over matter sabi nga. Maliit na alalahanin ang pagkalam ng sikmura kaysa sa pagtiyak ng sariling kaligtasan sa gitna ng isang malinaw na pagpipilian — buhay niya o buhay ng kalaban.
Maraming realidad ang digmaan sa Marawi ang nalantad at naghuhumiyaw na kailangan na ng karampatang hakbang, na kung hindi man magagawa sa kasalukuyang opensibang inilunsad ng puwersa ng pamahalaan, sana naman ay magawa sa mga susunod na operasyon ng militar, lalo pa’t malinaw na may bagong mukha ng kalaban ang nakapasok sa Pilipinas.
Matagal ko na itong napansin at naalala lamang nang nakita ko ang larawan ng mga miyembro ng Scout Rangers na nakasandal sa pader ng isang gusali. Nakangiti sa camera,kumakain ng crackers, Magic Flakes ang brand. Siguro yung iba ay baka Sky Flakes naman ang tinitira. Galing sa SR Books ang larawan, pagpapatunay na kahit crackers lang ang pantawid gutom, mabangis pa rin ang mga “Musang”.
Pero sa dami ng mga proyekto at programa para sa kapakanan ng mga sundalo lalo na yung mga nasa combat mission, wala man lamang ba hanggang ngayon na nagmalasakit na isyuhan sila ng Meal Ready to Eat o MRE?
Our troops are resilient and their endurance, admirable and unquestionable but, they deserve more than crackers in the battle field.
Nakakakita ang ating mga tropa ng MRE kapag may Balikatan Exercises kasama ang tropa ng sundalong Amerikano. Pero ang makapagdala nito,kahit na isang pack lamang bilang bahagi ng survival sa gitna ng mahabang labanan, ay nanatiling pangarap lamang.
Light weight lang ang isang MRE at may iba’t ibang laman ito batay sa MRE na issued sa US troops.
Ang isang MRE ay may iba’t ibang meals tulad ng spaghetii, chicken and rice, enchilada, tuna and rice, beef stew and omelet at marami pang iba. May kasama rin itong kape na nakapakete, juice, candy bar, crackers, cheese spread o peanut butter, may tinapay, meron pa ngang milk shake kung minsan pero hindi lahat meron nun. In other words,may mix at mayroong salt and pepper pati na tabasco sauce! Toothpick at tissue, isama mo pa.
Mahal ba para makapaglaan ng ganito para sa mga sundalong nasa gitna ng gera na nagbubuwis ng buhay?
Matagal nang may MRE ang ibang mga tropa ng ibang pamahalaan lalo na ang US pero sa atin wala pa rin.
Teka, baka naman puwedeng kasama ito sa ayudang puwedeng ibigay ng Amerika sa Pilipinas sa labang ito kontra IS- inspired terrorism na pinangungunahan ng Maute Group at Abu Sayyaf Group.
Puwede? Puwede! Puwedeng-puwede!!
Maliit na bagay? Oo ngunit kakatawan sa tunay na malasakit sa mga sundalong nakikipaglaban sa grupong ang layunin ay hindi lang basta karahasan.
Pero habang wala pa ang MRE, pagtapos ng labanan, hindi lamang chicken joy ang iregalo sa kanila kundi mainit na sabaw ng tinola, nilaga kundi papaitan.
Huwag kalimutan ang kalderetang kambing! Gusto ni Tap yan!
Hindi mapaghanap ang ating mga sundalo ngunit sana,bahagi ng malasakit, ibigay ang payak na bagay na tulad ng MRE para makatulong sa survival sa gitna ng labanan.
Maliit na bagay para sa mga sundalong handang ibuwis ang kanilang buhay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.