Carrion: Wala pa ang SEAG basketball lineup
HANGGANG kahapon ay hindi pa natatanggap ni Team Pilipinas Southeast Asian Games chef de mission Cynthia Carrion ang opisyal na lineup ng men’s basketball na ilalaban ng bansa sa kada dalawang taon na palaro.
Dagdag pa ni Carrion, minamadali na ng Malaysian SEA Games Organizing Committee (MASOC) na makuha ang listahan ng ipapadalang koponan ng Pilipinas sa basketball bago matapos ang itinakda nitong deadline na Hunyo 22.
“They (Samahang Basketbol ng Pilipinas) asked if they could submit the lineup on the 27th of June, but I told them that the MASOC is strictly waiting for the lineups, especially in basketball,” aniya.
“They (other countries) are finding reasons to disqualify us so I told them (SBP) not to delay the list of athletes since the Philippines is considered as a top contender.”
Ang 29th SEA Games ay itinakda sa Kuala Lumpur, Malaysia mula Agosto 19 hanggang 30.
Halos kumpleto na ang bubuo sa 37 national sports associations na lalahok sa 38 sports na paglalabanan sa Kuala Lumpur matapos na magsumite ng kani-kanilang listahan ang aquatics, sailing, water ski at wakeboarding kahapon.
Napag-alaman din kay national basketball head coach Vincent “Chot” Reyes sa isang panayam sa isang radio na wala pa ring partikular na manlalaro na kanilang napag-uusapan na maipadadala sa SEA Games kung saan ang Pilipinas ang nagdedepensang kampeon.
Dagdag pa ni Reyes, nakatuon ang koponan sa sasalihan nitong Jones Cup at FIBA World Cup qualifying tournament sa taong ito.
“We have yet to talk on the lineup to the SEA Games. I guess that will have to be discussed with the PBA Board. But right now, our main focus and concern is the coming stint in Jones Cup and the FIBA World Cup,” sabi ni Reyes.
Una nang nagsumite ng tatlong pangalan ang SBP na binubuo nina Kobe Lorenzo Paras, Kiefer Ravena at Christian Standhardinger kay Carrion na nakatakda naman makipag-usap ngayon sa MASOC upang kumpirmahin ang mga ipapadalang atleta at kumpirmahin ang paglahok ng bansa sa SEA Games.
Maliban noong 1989 na isinagawa rin sa Malaysia, dominado ng Pilipinas ang nakalipas na mga edisyon sa pagsungkit sa gintong medalya sa larong basketball.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.