BAGAMAN hawak ni Jerwin Ancajas ang International Boxing Federation (IBF) junior bantamweight championship ay ayaw nitong maging kampante sa kanyang pagsagupa kay Teiru Kinoshita ng Japan sa undercard ng Manny Pacquiao-Jeff Horn World Boxing Organization (WBO) welterweight fight sa Brisbane, Australia sa Hulyo 2.
Bagkus ay kinukunsidera ni Ancajas na isa itong pagsubok sa kanyang kakayahan at husay bilang isang kampeon.
“Pinaka-acid test talaga kay Jerwin (Ancajas) ang laban na ito dahil dito makikita ang kalidad ng kanyang paglaban at kung papalarin na manalo sa mandatory defense niya ay susunod na siyang lalaban sa US,” sabi ng coach ni Ancajas na si Joven Jimenez nang bumisita sila sa Philippine Sportswriters Association (PSA) forum kahapon sa Golden Phoenix Hotel sa Pasay City.
Bitbit ng 25-anyos na kampeon mula Panabo City, Davao Del Norte ang kartadang 28 panalo, isang talo, isang draw at 17 knockout wins.
Si Kinoshita naman ay may rekord na 25 panalo, isang talo, isang draw at may walong knockout wins.
“Halos pareho ang kanilang ring record pero napanood na namin kung paano lumaban si Kinoshita kaya nakagawa na kami ng Plan A at Plan B pagdating ng laban,” sabi pa ni Jiimenez.
Huling natalo si Ancajas noon pang Marso 17, 2012 kay Mark Anthony Geraldo (24-4-3) sa majority decision na ginanap sa Hoops Dome sa Lapu-Lapu City, Cebu para sa WBO Asia Pacific Youth super flyweight title.
Mula noon ay tumuhog ng 13 panalo si Ancajas kabilang ang unanimous decision laban kay McJoe Arroyo noong Setyembre 3, 2016 kung saan nakuha niya ang kasalukuyan niyang korona.
Sakaling malampasan ni Ancajas ang mandatory challenger na si Kinoshita ay nakatakda itong lumaban pa sa isa title fight at ang posibilidad na unification kontra sa mga kampeon ng kapantay nitong dibisyon. — Angelito Oredo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.