Coco ‘beastmode’ na naman sa ‘Probinsyano’
PATULOY na tinatalakay ng ABS-CBN hit TV series na FPJ’s Ang Probinsyano ang mga napapanahong pangyayari sa buhay ng mga Pilipino sa pagbubukas ng ikalawang yugto nito.
Pinagbibidahan ng King of Philippine Primetime TV Coco Martin, tuluy-tuloy ang panonood dito ng mga kababayan sa Pilipinas via ABS-CBN, at sa labas ng bansa via TFC sa key countries worldwide.
Patuloy na namayagpag ang serye noong Mayo, ang huling buwan ng unang yugto ng programa, kung saan nanguna ito sa mga most-watched regularly airing shows sa Pilipinas matapos makakuha ng 38.2% national TV ratings, ayon sa datos ng Kantar Media Television Audience Measurement, isang local viewership measurement company.
Isa rin ang FPJ’s Ang Probinsyano sa mga top-rating shows ng ABS-CBN sa dalawang taon na pag-ere nito. Ngayong nagsimula na ang bagong yugto ng serye, makikita si Cardo na mayroong ordinaryong buhay kasama si Alyanna (Yassi Pressman), ang anak nilang si Ricky Boy, Lola Flora (Susan Roces), at ang iba pang miyembro ng kanilang pamilya. Dalawang taon na siyang wala sa serbisyo bilang pulis at kontento na sa pagiging jeepney driver, habang si Alyanna ay balik-trabaho na bilang reporter.
Subalit, ang kanilang payapang pamumuhay ay ginambala na naman ng mga rebelde, ang isa sa mga balitang tinututukan ni Alyanna, at siyang dahilan nang madalas na pag-aalala ni Cardo.
Nakilala na ang mga karakter nina Lito Lapid, Jhong Hilario, Yam Concepcion, Mercedes Cabral at Mark Lapid na kabilang sa grupo ng mga rebelde. Nandiyan din ang mga miyembro naman ng National Defense na ginagampanan nina Angel Aquino, Sid Lucero at John Arcilla.
Sa huling episode nga ng Probinsyano, galit na galit uli si Cardo nang makidnap ang kanyang anak na si Ricky Boy. Naganap ang insidente habang namamasyal ang mag-ama sa isang carnival.
Matao at siksikan, kaya nang may mag-umpisang away, agad na rumisponde si Cardo upang awatin ang mag-asawang nagsasapakan. Nalingat lang ng kaunti si Cardo, agad na tinangay ng mga kidnaper ang walang muwang na anak niya.
Walang kamalay-malay si Cardo na naitakbo na ng mga kidnaper ang kanyang anak, at plano nilang ibenta sa isang mayamang pamilya. Banta nga ni Cardo, “Sisingilin ko ng higit-higit pa ang mga taong gumawa sa ‘yo nito!”
Napapanood pa rin ang FPJ’s Ang Probinsyano sa Primetime Bida pagkatapos ng TV Patrol.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.