Pilipinas wagi sa Romania pero bigo sa France
AGAD nanggulat ang seeded 18th na Pilipinas 3×3 squad nina Kobe Paras, Kiefer Ravena, JR Quinahan at Jeron Teng sa pagpapalasap nito ng kabiguan sa ranked 7th na Romania sa impresibong 21-15 panalo sa ginaganap na FIBA 3×3 World Cup 2017 sa Nantes, France.
Gayunman, agad itong pinigilan ng sumunod na nakalaban na tournament host France na nakamit ang paborable na tawagan upang hatiiin sa tig-isang panalo at talo ang una nitong dalawang laban sa Pool B matapos malasap ang 11-21 kabiguan.
Habang isinusulat ito ay makakasagupa ng Pilipinas ang Slovenia ganap na ala-1:40 ng hapon bago huling sagupain ang El Salvador sa ganap na alas-3 ng hapon na kailangang ipanalo ang allinman sa dalawang laro upang umasa na maagaw ang isa sa kailangang dalawang puwesto para sa susunod na labanan.
Matapos ang dalawang laro ay nasa pangkalahatang ika-11 si Paras sa may pinakamaraming naitalang puntos na 18 habang nasa 32 si Ravena na may siyam na puntos. Magkasunod sa 64 at 65 puwesto sina Quinahan at Teng na mayroon lamang apat na puntos.
Agad naghabol ang Pilipinas sa Romania sa kaagahan ng laro sa 4-7 iskor bago na lamang inagaw ng triumvirate nina Paras, Ravena at Quinahan ang abante sa 9-8. Isang tres ni Ravena ang nagbigay sa Pilipinas ng 17-15 abante bago hinakot ni Paras ang huling apat na puntos mula sa isang tres para sa 19-15 abante at inagaw ang bola upang ma-foul sa 3-point area at isalpak ang dalawang free throws para angkinin ang panalo.
Hawak naman ng France at Slovenia ang unang dalawang puwesto sa Pool B sa kapwa malinis na 2-0 kartada habang nasa ikatlo ang Pilipinas na may 1-1 kartada. Nasa ilalim ang Romania at El Salvador na kapwa may0-2 kartada.
Ang top two team sa bawat pool ay direktang makakatuntong sa quarterfinals at kung susuwertihn ay tutungo na sa knockout rounds at finals.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.