Kamara sinuway ang CA: 'Ilocos 6' ayaw pa rin pakawalan | Bandera

Kamara sinuway ang CA: ‘Ilocos 6’ ayaw pa rin pakawalan

Bella Cariaso - June 11, 2017 - 12:10 AM

BINABALEWALA ng Kamara ang kautusan ng Court of Appeals (CA) na pakawalan ang tinaguriang “Ilocos 6” na kanilang idinetene.

Naglabas na ng release order ang CA Fourth Division matapos namang magpiyansa ang “Ilocos 6” ng tig-P30,000 ngunit sa kabila naman nito, nagpapaikot pa rin ang Kamara.

Mismong ang CA-appointed sheriff ang nagdeliber ng release order, ngunit hindi pa rin nito pinapalaya ang anim na empleyado ng Provincial Government of Ilocos Norte (PGIN).

Sa pagmamatigas ng Kamara, lumalabas na maging korte ay gusto nitong balewalain.

Kaya nga may CA at Korte Suprema tayo ay para matiyak na may matatakbuhan ang publiko sakaling may mga opisyal at sangay ng pamahalaan na nagmamalabis sa kanilang kapangyarihan.

Unang-una, ang pangunahing tungkulin ng Kamara sa mga isinasagawang imbestigasyon nito ay in-aid of legislation at hindi para mag-prosecute.

Hindi ba’t hindi rin iprinisinta ng Kamara ang “Ilocos 6” nang atasan ng CA na dalhin anim na personnel ng PGIN sa korte matapos aprubahan ang petisyon para sa writ of habeas corpus.

Binatikos mismo ni Ilocos Norte Governor Imee Marcos ang pandededma ng liderato ng Kamara sa desisyon ng CA kung saan tinawag pa niya ito na pang-aabuso sa kapangyarihan at pagiging arogante.

Idinagdag ni Marcos na hinarang maging ang mga pulis, na siyang kasama ng CA-appointed sheriff nang isisilbi na sana ang court order.

Kasama ng sheriff at mga pulis ang mga kaanak ng “Ilocos 6” at mga board members ng Ilocos Norte nang sila ay hindi pinayagang makapunta sa detention center ng Kamara kung saan nakakulong ang anim na empleyado.

Malinaw na contempt of court na ang ginagawa ng Kamara dahil sa pagbabalewala sa court order.

“We have court order now. Congress in contempt na ngayon. Their decision was a complete display of arrogance of power and grave abuse of authority,” sabi ni Marcos.

Noon pang Mayo 29 nakakulong ang “Ilocos 6”, nangangahulugan ito na magdadalawang linggo nang nakakulong ang anim na empleyado.

Ikinulong ang anim matapos ang mosyon ni Ilocos Norte Rep. Rodolfo Fariñas sa  House Committee on Good Government and Public Accountability dahil hindi makasagot sa kanyang katanungan  hinggil sa pagbili ng ilang  multicabs cabs gamit ang mahigit P66 million pondo mula sa excise tax ng tabako sa Ilocoss Norte.

Sinabi ni Atty. Toto Lazo, abogado ng ‘Ilocos 6’, na hindi sumagot ang kanyang mga kliyente sa tanong ni Fariñas dahil pawang photo copy lang ang mga dokumentong hawak  ni Fariñas sa pagtatanong.

Sinabi naman ng isa pang abogado ng “Ilocos 6” na si Atty. Santos Catubay Jr., na sa kabila ng court order, hindi makakilos ang House-sergeant-of-arms dahil ang go signal pa rin ng liderato ng Kamara ang hinihintay nito.

“Sobra naman ang liderato ng House of Representatives sa patuloy nitong pagpapakulong sa anim na empleyado. Hindi naman sila kriminal. Wala naman silang nagagawang heinous crime against to anyone,” ayon kay  Marcos.

Tinawag pa ni Marcos na sobra pamumulitika at pamemersonal ang ginagawa ni Fariñas sa isyu ng pagbili ng multicab.

“Alam naman niyang walang corruption dito at ang mga biniling sasakyan ay para rin naman sa kapakanan ng mga tobacco farmer,” giit ni Marcos.

Usap-usapan ngayon ang plano ni
Fariñas na tumakbong gobernador ng Ilocos Norte sa eleksiyon sa 2019.

Tatakbo naman ang anak ni Fariñas na si Board Member Pia Fariñas bilang kongresista sa unang distrito kapalit ng kanyang ama.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Makakalaban naman ng dalawang Marcos ang mga Fariñas sa susunod na halalan.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending