Status ng relasyon nina Mccoy at Elisse ‘malabo’ pa rin
PATUTUNAYAN ng tambalang McCoy de Leon at Elisse Joson o McLisse na kaya rin nilang magpakilig sa pamamagitan ng musika sa kanilang kauna-unahang single na “If We Fall In Love” na iri-release ng Star Music.
Parehong ikinatuwa ng Pinoy Big Brother Lucky Season 7 alumni ang panibagong milestone sa kanilang career, dahil ito ang kauna-unahang kantang ini-record nila nang magkasama.
“Kabado kami and excited na i-share sa inyo. Na-excite po kami kasi isa na naman po itong first time sa’min as a love team,” ani Elisse.
“Pinaghandaan talaga, sineryoso talaga namin,” pahayag ni McCoy. “Paulit-ulit ko po pinakinggan ‘yung kanta, hanggang sa napapanaginipan ko na.”
Ayon sa producer na si Rox Santos hindi siya nahirapan makipagtrabaho sa dalawa, lalo pa’t bagay na bagay raw ang kanta sa kanila. Nabanggit din nito na may posibilidad na magkaroon ng album ang McLisse.
“Napagdesisyunan namin na ‘If We Fall In Love’ kasi alam naman natin na sobrang kilig love team sila, tapos ‘yung journey nila talagang inaabangan every now and then,” ang sabi ni Rox. “Bakit hindi tayo mag-come up ng song na sobrang kikiligin ‘yung fans tapos talagang magre-reflect ng totoong nangyayari sa kanila?”
Dagdag pa ni Elisse, “Nu’ng nakita ko po ‘yung lyrics, sabi ko bagay. Parang ang hirap sabihin na bagay, pero ‘yung na-feel ko po parang sakto sa amin.”
Ramdam naman ng Hashtags member na si McCoy ang kanta, at ipinahayag niyang kuwento nito ang status nila ni Elisse. “May tanong pa rin sa mga nangyayari sa amin. Kumbaga, hindi pa namin alam kung anong meron din kaya sakto rin ‘yung kanta.”
Ang naturang duet ay orihinal na kinanta nina Yeng Constantino at RJ Jimenez, at isinulat naman ni RJ noong siya ay contestant sa 2006 na hit talent-reality show na Pinoy Dream Academy. Mapapakinggan na ito sa Spotify at YouTube.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.