Casino attacker ex-gov’t employee na lulong sa sugal, ‘di terorista –PNP
John Roson - Bandera June 04, 2017 - 05:00 PM
Umaasa ang mga otoridad na matutuldukan na ang espekulasyong terorista ang nagpaputok ng baril at nanunog pa sa Resorts World Manila casino-hotel, kung saan 38 katao ang nasawi at mahigit 70 pa ang nasugatan.
Ito’y matapos ihayag ni National Capital Region Police Office chief Dir. Oscar Albayalde na ang gunman ay isang nasibak na empleyado ng gobyerno, na nalulong pa sa sugal.
Nakilala ng mga imbestigador, sa tulong ng kanyang pamilya, ang gunman bilang si Jessie Carlos, dating empleyado ng Department of Finance (DoF), sabi ni Albayalde sa isang pulong balitaan Linggo ng tanghali.
Si Carlos, na unang inilarawan ng pulisya bilang “foreign-looking” na “caucasian,” ay isang Pilipinong nanirahan sa Felix Huertas st. cor. San Lazaro, Brgy. 339, Sta. Cruz, Manila, at dating nagtrabaho sa One Stop Shop ng DoF, ani Albayalde.
Sinibak si Carlos sa DoF dahil sa paglalagay ng mali at kulang na datos sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), ayon sa NCRPO chief.
Bukod dito’y nabaon sa utang si Carlos dahil sa pagsusugal sa casino, na naging dahilan naman ng problema sa pamilya, ani Albayalde.
Lumalabas na ang pag-atake sa Resorts World ay bunsod ng galit ni Carlos matapos siyang i-ban ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa pagpasok sa anumang casino kamakailan lang anang police official.
“On this note, we reiterate our prior statements that this is not an act of terrorism but is confined to the act of one man alone, as we have always said,” ani Albayalde.
Casino royale
Napag-alaman na si Carlos ay isang “high roller” na pumupusta ng di bababa sa P40,000 tuwing dadalaw sa casino, ani Albayalde, gamit bilang basehan ang impormasyon mula sa mga source sa gaming industry.
Ipinakita rin ng mga kilos ni Carlos sa Resorts World, lalo na ng kanyang pag-atake sa imbakan ng chips, na alam niya ang pasikut-sikot sa isang casino, ayon sa NCRPO chief.
Sa CCTV footages, lumalabas na tila naghahanap ng pera si Carlos at, gaya ng sinumang madalas sa casino, ay alam na maaari itong matagpuan sa likod ng cashier, ani Albayalde.
“Sa video, naghanap siya ng pera pero di niya makita, so kumuha siya ng chips, ‘yung high-denomination,” sabi pa ng police official.
Inihayag ni Albayalde na nalulong si Carlos sa pagsusugal sa isa pang casino sa Metro Manila, pero tumangging pangalanan ang establisimyento.
“Hindi siya frequent player sa Resorts World,” anang police official.
Banned
Ayon kay Albayalde, binawalan ng PAGCOR si Carlos na pumasok sa anumang casino nito lang Abril 3, dahil sa hiling ng mga kaanak.
“Ito siguro ang dahilan bakit galit na galit siya sa casino… Alam niya na di siya basta-basta puwedeng pumasok sa casino kasi meron siyang mga picture diyan,” anang NCRPO chief.
Napag-alaman din sa briefing na dati nang nasangkot si Carlos sa isang “minor incident” sa casino, kung saan siya nagtaas ng boses matapos matagalan ang pagbibigay sa kanya ng chips.
Baon sa utang
Lumabas sa imbestigasyon na si Carlos ay may utang na P4 million sa isang bank account at mayroon ding “non-bank related debts,” ani Albayalde.
Dahil sa pagkakautang ay binenta pa ni Carlos ang kanyang Ford Ranger sports utility vehicle at nagbenta pa ng ari-arian sa Batangas dahil sa sugal, ayon sa NCRPO chief.
“Accordingly, he has been hooked to gambling for several years,” anang police official.
“We have and will continue to base our pronouncements on facts and evidence properly gathered. We will not allow people or any threat group to use this situation to advance their propaganda or personal causes whether foreign or local,” dagdag ng NCRPO chief.
Tumutugma ang mga pahayag ni Albayalde sa isang kalatas na nilabas ng DoF noong Mayo 7, 2014, tungkol sa pagsibak kay Carlos sa serbisyo.
Sinibak na taxman
Sa kalatas, sinabi ng DoF na dinismiss nito si Carlos, isang Tax Specialist I, para sa hindi paglalagay ng lahat ng kanyang asset sa kanyang SALN.
Ito’y matapos iutos ng Ombudsman sa sibakin si Carlos para sa grave misconduct at gross neglect of duty para sa di pagdeklara sa kanyang bahay at lupa sa Maynila sa mga SALN mula 2003 hanggang 2006, kanyang Toyota Innova sa 2007 SALN, at business interest sa kanyang 2010 SALN.
Napag-alaman din ng Ombudsman na bumili si Carlos, gamit ang cash, ng dalawang lote sa Tanauan City, Batangas, sa halagang P4 milyon noong 2010, kahit na sumuweldo lang siya ng kabuuang P2.46 milyon mula 2001 hanggang 2011, ayon sa DoF.
Naungkat din ng Ombudsman ang malalaking utang ni Carlos sa dalawang credit card noong 2010. Sa kabila ng mga naturang utang, bumili pa si Carlos ng Hyundai Starex van na halagang P1. 6 milyon nang taong iyon, ayon sa DoF.
Problema sa pamilya
Ayon kay Albayalde, nauwi ang mga problema sa pera ni Carlos sa iba pang problema, partikular na sa kanyang maybahay at magulang.
Nakatira pa rin ang misis ni Carlos na si Jen sa compound ng pamilya sa Sta. Cruz, pero di na nakikipag-usap sa kanyang mister, anang NCRPO chief.
Nagtungo ang mga miyembro ng pamilya ni Carlos sa pulisya Linggo ng umaga para tumulong sa pagbibigay-linaw sa insidente sa Resorts World, ani Albayalde.
Ayon sa police official, natunton ang pamilya sa pamamagitan ng impormasyon mula sa taxi driver na naghatid kay Carlos sa Resorts World at gasoline boy na nagbenta sa kanya ng dalawang 1.5-liter bote ng krudo, na ginamit ng suspek sa pagsusunog sa casino-hotel.
Lumuluhang humingi ng tawad ang pamilya ni Carlos para sa mga insidente sa Resorts World, na anila’y di nila ginusto.
Sinabi ng tatay ni Carlos na di alam ng pamilya na ganoon na ang gagawin ni Carlos, at itinanggi na may kaunayan sa anumang terrorist organization ang anak.
“We hope to have brought closure and peace to the bereaved families,” ani Albayalde.
Tatlumpu’t walo ang nasawi sa pag-atake sa Resorts World noong Biyernes ng madaling-araw. Kabilang sa kanila si Carlos, na nag-suicide sa pamamagitan ng pagsunog sa sarili at pagpapaputok ng baril sa loob ng kanyang bibig.
Umabot sa 78 iba pang tao ang nasugatan, karamiha’y dahil sa naganap na stampede palabas ng casino-hotel.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending