Awayan sa Gabinete nagbabadyang magdulot ng rice shortage
NITONG nakaraang mga araw inihayag ni Cabinet Secretary Leoncio “Jun” Evasco, Jr. na tuloy na ang pag-aangkat ng bigas ng bansa dahil tatagal na lamang ng wala nang walong araw ang imbak na bigas sa bansa.
Matagal nang pangako ng mga nakaupo sa gobyerno ang rice sufficiency kung saan hindi na kailangang bumili ng bigas ng Pilipinas sa ibang bansa.
Ngunit sa kabila nito, hindi naman ito maabot-abot ng gobyerno sa napakaraming kadahilanan, partikular na ang patuloy na conversion ng mga agricultural lands para gawing housing projects o industrial at commercial na hangarin.
Bukod pa rito ang pagtama ng mga kalamidad sa bansa kung saan apektado ang mga taniman ng palay at iba pang agricultural products.
At kapag sumasapit ang Hunyo, Hulyo at Agosto, nagkakaroon ng tinatawag na “lean months” dahil sa mga panahong ito walang inaasahang ani mula sa mga magsasaka.
Ito ang dahilan kung bakit taon-taon, nakagawian na ng gobyerno na mag-angkat ng bigas para sa “lean months” para matiyak na sapat ang suplat ng bigas kahit walang mga ani mula sa mga magsasaka.
Ngunit dahil sa nangyayaring pag-aaway sa pagitan ng mga miyembro ng Gabinete ni Pangulong Duterte, apektado maging ang pag-aangkat ng bigas.
Usap-usapan na ang hindi magandang relasyon sa pagitan ni Evasco at ng iba pang mga miyembro ng Gabinete, partikular kina Agriculture Secretary Manny Piñol at kay Special Assistant to the President Bong Go.
Siyempre, itinatanggi ng Malacañang ang nangyayaring power play sa inner circle ni Pangulong Duterte.
Ngunit dahil nga sa nangyayaring awayan, apektado pati ang isyu ng pagtiyak na suplay ng bigas sa bansa.
Nagkukumahog ngayon ang gobyerno para makapag-angkat ng bigas sa pamamagitan ng government to private sector.
Bagamat inaasahan namang marami ang bigas na nasa kamay ng mga pribadong trader, umaangkat ng bigas ang National Food Authority (NFA) para matiyak na hindi magagawang imanipula ng mga trader ang suplay at presyo ng bigas sa bansa.
May posibilidad kasi na palabasin ng ilang mga pasaway na trader na may shortage sa pamamagitan ng pagtatago ng mga stock ng bigas para lamang nagdulot ito ng pagtaas sa presyo
nito.
Kayat napakahalaga ng napapanahong pag-aangkat ng bigas para maiwasan ang mga ganitong scenario.
Dahil nga huli na para sa pag-aangkat ng gobyerno ng bigas, ang dalangin na lang natin ay hindi manamantala ang mga pasaway na negosyante at gamitin ang sitwasyon sa kanilang ilegal na gawain.
Kung sakaling mangyari ang kinatatakutan nating shortage ng bigas at pagtaas ng presyo, dapat ay may managot sa hindi maagap na pag-aksyon para matiyak ang sapat na suplay ng bigas sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.