Anyare sa mandatory drug test para sa kongresista? | Bandera

Anyare sa mandatory drug test para sa kongresista?

Jimmy Alcantara - May 16, 2017 - 12:15 AM

MAY pinuprotektahan ba si Speaker Pantaleon Alvarez at hanggang ngayong ay hindi pa umuusad sa Kamara ang panukala na isailalim sa mandatory drug testing ang mga mambabatas?
Aba’y mag-iisang taon na si Speaker sa puwesto pero wala nang narinig pang kasunod sa kanyang “seriously considering requiring my colleagues to a drug test” na pahayag at tila inupuan na ang House Resolution No. 15 ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na magsisiguro na walang adik sa Kongreso.
Ilang taon na ring kumakalat ang mga balita na may mga mambabatas ang gumon sa ipinagbabawal na gamot kaya marami ang umasa na malalagas na ang mga ito sa pag-upo bilang Speaker ni Alvarez, isa sa mga pinakamalalapit na kaibigan ni Pangulong Duterte na gigil na gigil sa mga tulak at adik.
Nababahag ba ang buntot ni Alvarez sa mga kasamahan niyang umano’y nagdodroga kaya mas pinili niyang dedmahin ang gera ng pamahalaan laban sa ipinagbabawal na gamot sa kanyang mismong bakuran?
O baka naman may kaibigan siyang ayaw lang niyang pasamain ang loob.
At paano naman malilipol ang mga adik sa Kamara kung voluntary lamang ang gagawing drug test?
Parang ipinagmamalaki pa ng mga kongresista na may ibang “batas” para sa mga opisyal na gaya nila at sa mga ordinaryong kawani ng pamahalaan na, ayon sa utos na inilabas ng Civil Service Commission (CSC), ay kailangang magpa-drug test ang mga ito kundi ay sisibakin sa trabaho.
***
Hindi po kalabisan, Mr. Speaker, na puwersahin ang mga kasamahan mo na magpa-drug test.
Ang mga mambabatas ang nagdedesisyon para karamihan. Hindi namin gusto na gumawa sila ng hakbang, na para raw sa ikabubuti namin, na nasa impluwensya ng droga?
Anong klase ng desisyon iyon? Isa pa, buwis namin ang ipinasusweldo sa kanila. Aba’y parang kinukunsinti pa pala namin sila kung ganoon. Hindi rin malayo na sila’y maging korup upang may maipantustos lang sa kanilang bisyo.
Iligal ang droga kaya dapat maging huwaran kayong mga mambabatas at ipakita na kayo mismo ay hindi lumalabag sa batas. May karapatan kami na hilingin sa mga namumuno na mamuhay nang tuwid at may moralidad. At kung kayo mismo ang lumalabag sa batas, dapat namin itong malaman.
May karapatan din kami na malaman kung ano ang ginagawa ninyong mga mambabatas sa inyong pribadong buhay. Di kami tsismoso. Gusto ba naming pamunuan kami ng tao na nagsesermon kontra droga kapag nasa harap ng kamera pero singhot naman ng singhot ng shabu o cocaine pagdating ng bahay? Dapat naming malaman kung plastik at sinungaling si congressman para di na ito muling ihalal. At, opo, walang pribado sa buhay ng public official na gaya ninyo; dapat mahalukay kung mayroon kayong itinatagong labag sa batas. Patas lang naman siguro na hilingin sa inyong mga mambabatas na sundin ang batas na kayo mismo ang gumawa.
At kung mayroong kakandidato sa kongreso na hindi pabor o ayaw sa mandatory drug testing, ayos lang–mababawasan kayo ng adik na kasama sa Kamara.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending