Petron Sprint 4T, Generika Ayala kampeon sa PSL Beach Volley
TINALO ng Petron Sprint 4T nina Cherry Anne Rondina at Bernadette Pons ang pares nina Fiola Ceballos at Patty Orendain ng Generika Ayala A, 21-16, 21-18, sa finals para tanghaling kampeon ng 2017 Belo-Philippine Super Liga women’s beach volleyball tournament Linggo sa Sands SM by the Bay.
Ito ang pinakaunang titulo para kina Rondina at Pons na inirepresenta ang koponan ng Petron.
Si Rondina ay parte sa koponan ng Foton noong nakaraang taon na nakapasok sa kampeonato subalit nabigo sa RC Cola.
Inangkin nina Rondina at Pons ang unang silya sa kampeonato matapos nitong biguin ang Petron XCS nina Bang Pineda at Frances Molina sa loob ng dalawang set, 21-17, 21-13, sa una sa dalawang semifinals.
Hindi naman nagpaiwan ang pares nina Orendain at Ceballos matapos nitong agad na biguin ang pareha nina Danika Gendrauli at Jackilyn Estoquiao ng Sta. Lucia Realtors para sa ikalawang silya sa kampeonato sa pagtala ng 21-15, 21-11 panalo.
Ito ang ikalawang pagharap nina Ceballos at Orendain, na kapwa nagbabalik sa kampeonato, matapos biguin noong nakaraang taon sina Rondina at Pons.
Si Ceballos ay ilang beses tinanghal na kampeon sa National Beach Volley habang si Orendain ay dalawang sunod na nakatuntong sa kampeonato subalit kapwa naman nabigo.
Agad naman dinomina ng pares nina Rondina at Pons, na nagharap sa kampeonato ng UAAP beach volley ngayong taon para sa UST at FEU, ang mga kapwa beterano sa beach volleyball na sina Pineda at Molina upang tumuntong sa kampeonato.
Huling nagwagi si Rondina sa UAAP Season 79 kung saan kapareha si Jem Guerrero ay tinalo nito ang pares mula sa FEU na sina Pons at Kyla Atienza upang bawiin ang titulo.
Samantala, nagkampeon ang Generika Ayala sa men’s division matapos biguin ang Cignal HD, 21-17, 21-18.
Nanatiling walang talo ang Generika Ayala nina Anthony Lemuel Arbasto at Calvin Sarte patungo sa kampeonato.
Galing ang Generika-Ayala sa pagtala ng ikalimang sunod na panalo matapos biguin ang University of Perpetual Help-A nina Rey at Relan Taneo, 21-10, 21-17, sa semifinals.
Nagtala naman ang Cignal HD nina Edmar Bonono at Erickson Joseph Ramos ng matindang upset kontra sa pares nina Mike Abria at Edwin Tolentino ng SM by the Bay sa crossover semifinals para umusad sa finals.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.