Pagnanakaw, pangungutang, pagsisinungaling, bagong bisyo sa HK
KAPAG Hong Kong ang usapan, madalas na biruang napakaliwanag ng bansang ito.
Dalawa kasi ang ilaw ng kanilang mga tahanan. Ang babaeng employer at ang Pinay OFW na halos mga kababaihan ang bumubuo ng malaking puwersa ng mga OFW doon.
Ngunit nakapagtatakang pagpasok ng taong 2017, halos sunod-sunod na mga kaso ng pagnanakaw ang kinasasangkutan ng ating mga Pinay. At tipong wala rin silang pinipiling nakawin.
Tulad ng bote ng lotion, canned goods, meat balls, laruang manika, t-shirts, payong at kung anu-ano pa.
Kahit akala natin ay maliliit na bagay lamang iyon at halos walang halaga, pinagbabayaran nila ito ng ilang buwang pagkakulong. Kapag umamin sa kanilang kasalanan, nababawasan nang kaunti ang araw ng kanilang sentensiya.
Ngunit may nadagdag na naman sa mga bisyong ito. Bukod kasi sa pangungutang at pagnanakaw, pati pagsisinungaling kina-career na rin!
Isang OFW ang nagpunta sa Macau at may dala-dala itong pera katumbas ng P65,000. Ayon sa report, nag-casino ang Pinay.
Ngunit bago ito bumalik ng HK, nag-report siya sa mga awtoridad doon na ninakawan ‘anya siya ng tatlong kalalakihan. Sa kaniyang salaysay, napansin ng mga pulis na maraming bagay ang hindi nagtutugma sa mga pahayag ng Pinay.
Kayat nang siya naman ang imbestigahan at pinaikot-ikot ang pagtatanong sa kaniya, umamin itong nagsisinungaling siya at hindi naman talaga siya ninakawan.
Natalo daw kasi siya sa casino at ubos ang perang dala-dala niya. Hindi rin malinaw kung saan galing ang perang ipinang-sugal ng OFW.
Gayong sinabi niyang ipadadala niya sana iyon sa kaniyang pamilya sa Pilipinas, ngunit nagbakasali siya na baka manalo at lumaki pa ang pera niya.
Matapos ang pag-amin ng OFW sa gawa-gawang kuwento nito, siya ngayon ang binalingan ng mga awtoridad at inaresto sa kasong pagsisinungaling.
Ano ba itong mga isyu na kinasasangkutan ng ating mga kababaihan sa OFW? Sabi tuloy ng ilang nagmamasid, imbes na mag-level up, pa-cheap ‘anya ng pa-cheap ang kanilang mga modus.
Dati kasi may dalawang Pinay na nakipag-boyfriend sa mga dayuhan na sangkot pala sa ilegal na gawain tulad ng droga at money laundering, ngunit kaagad naman silang nahuli.
Mayroong nakipag-kutsabahan naman sa mag-asawang HK national at pumasok ang walo nating mga OFW sa loan shark syndicate. Hindi nagtagal, nahuli din sila.
Nawawala na nga sa pokus ang ating mga OFW. Sa halip na trabaho lang talaga ang ipinunta nila sa abroad, sabit sila sa iba’t-ibang kaso na pawang hindi naman work-related.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (mula Lunes hanggang Biyernes, alas 10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali) audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.