PATUTUNAYAN ng dating sexy star na si Rosanna Roces na hindi pa kinakalawang ang kanyang talento sa pag-arte sa pamamagitan ng Maalaala Mo Kaya hosted by Charo Santos.
Muling binigyan ng ABS-CBN ng chance si Osang para ibandera sa madlang pipol na kering-keri pa rin niyang sumabak sa madadramang eksena.
Bibida siya sa life story ni Nanay Estrelita Calacala (58), isa sa mga tinaguriang trendiest Internet moms sa Facebook. Naging instant internet sensation si Nanay Estrelita dahil sa mga nakakaaliw at nakaka-inspire na hugot lines niya sa social media.
Pero sa kabila pala ng pagkokomedya nito, isang sakit ang kanyang pinaglalabanan. Meron siyang Schizophrenia, isang mental disorder na karaniwang umaatake sa isang indibdwal na punumpuno ng stress sa buhay.
Inakala ni Estrelita na isang simpleng “nervous breakdown” lang ang nangyayari sa kanya matapos magpatingin sa National Center for Mental Health sa Mandaluyong. Matapos mag-take ng ilang gamot at hindi atakihin ng kanyang sakit sa loob ng 10 taon, feeling niya ay magaling na siya.
Ngunit matapos ipanganak ang kanyang anak na si Princess, bumalik ang kanyang sakit, na naging dahilan para mabiktima ng bullying ang bata.
Hanggang sa lumala na nang lumala ang kanyang kundisyon na nauwi pa sa pananakit sa kanyang anak at pagtatangkang patayin ang kanyang asawang si Aurelio. Dito na nagdesisyon ang mister ni Estrelita na layasan siya dala ang kanilang anak.
Nagtungo muli si Estrelita sa mental at dito nga siya na-diagnose ng Schizophrenia. Paano siya nagpakatatag para malampasan ang matinding pagsubok na ito sa kanyang buhay? Makita pa kaya niya uli ang kanyang asawa’t anak? At paano nga ba nagsimula ang pagiging internet sensation ni Nanay Estrelita?
‘Yan ang tutukan sa isa na namang espesyal na episode ng MMK ngayong Sabado ng gabi sa ABS-CBN kung saan makakasama rin ni Osang sina Jana Agoncillo bilang si Princess, Ronnie Lazaro, as Aurelio with Sharlene San Pedro, Marife Necesito at Mikee Agustin.
Ito’y sa direksyon ni Mae Cruz-Alviar at sa panulat nina Joan Habana at Arah Jell Badayos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.