La Salle wagi sa game 1 ng UAAP Season 79 women's volleyball finals | Bandera

La Salle wagi sa game 1 ng UAAP Season 79 women’s volleyball finals

Dennis Christian Hilanga - May 02, 2017 - 08:27 PM
la salle HINDI na mahalaga kung dalawang beses pang tinalo ng Ateneo ang La Salle sa elimination round ng UAAP Season 79 women’s volleyball tournament, ang importante ngayon ay nasungkit ng Lady Spikers ang pinakamahalagang panalo laban sa mahigpit nitong karibal na Lady Eagles para lumapit sa kampeonato. Ibinulsa ng Lady Spikers ang 21-25, 29-27, 25-22, 25-20 panalo kontra determinadong Lady Eagles para sa  1-0 lead sa kanilang best-of-three- Finals series Martes sa harap ng dagat ng pula at asul sa Smart Araneta Coliseum. Isang panalo na lang ang kailangan ng La Salle para maiuwi ang back-to-back title. Tulad nang inaasahan, pukpukan ang naging girian ng dalawang koponan at hindi naging madali para sa Lady Spikers na pasukuin agad ang Lady Eagles na nagwagi sa unang set. Bumangon ang La Salle mula sa apat na puntos na paghahabol, 17-21, tungo sa pag-upset sa Ateneo sa ikalawang set at pinagpag ang bawat tangkang pagdikit ng Ateneo sa ikatlong set para makuha ang momentum papasok sa ikaaapat na set. Ngunit nagawang kunin ng Ateneo ang bentahe, 18-15, sa ikaapat na set pero mas lumabas ang uhaw ng La Salle na inagaw ang unahan para sa 19-18 lead mula sa service ace ni Desiree Cheng na sinundan ng mga atake nina Kim Kianna Dy at Ernestine Tiamzon at hindi na pinalapit pa ng defending champions ang runner-up ng nakaraang taon para iuwi ang mainit na laban na tumagal ng 2:11 oras. Nanguna para sa La Salle si Tiamzon na may 15 puntos, lahat mula sa spikes habang may 12 puntos si Dy. Nagdagdag si Kim Fajardo ng pitong service ace para tumapos ng 10 puntos bukod pa sa 37 excellent sets na naging sandalan ng La Salle lalo na sa mga krusyal na sandali. Si Jhoana Maraguinot ay may 16 para pamunuan ang Ateneo at may 11 hits si Michelle Morente. Nakatakda sa Sabado ang Game 2 at tatangkain ng Lady Spikers na mapanatili ang korona sa Taft habang pipiliting bumangon ng Lady Eagles para makahirit ng winner-take-all sa May 10. Samantala, isang panalo na lamang ang kailangan ng Ateneo  Blue Eagles para makopo ang ikatlong sunod na korona sa men’s division. Tinalo ng  Blue Eagles sa limang sets ang National University Bulldogs,  25-22, 21-25, 22-25, 25-18 at 15-13 upang ipagpatuloy ang malinis nitong kampanya. Hindi pa nakalasap ng kabiguan ang Ateneo at awtomatiko itong nakapasok sa Finals matapos na mawalis ang elims. Sinandigan ng Ateneo ang 3-time Most Valuable Player na si Marck Espejo sa krusyal na bahagi ng laban matapos nitong basagin ang 13-13 pagtatabla sa matulis nitong spike  upang pigilan ang pagbalikwas ng mga Bulldogs mula sa 8-13 paghahabol sa ikalimang set.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending