SAN Jose de Buenavista, Antique – Apat na gintong medalya sa posibleng mapanalunang walong ginto ang agad na iniuwi ni Charmaine Angela Villamor ng Cordillera Autonomous Region (CARAA) sa secondary girls archery ng ginaganap dito na 60th Palarong Pambansa sa Pis-Anan National High School Track Oval.
Nagwagi ang 16-anyos mula sa Baguio City National High School na si Villamor sa 40m (318 puntos), 50m (338 puntos), 60m (318 puntos) at single FITA Round sa kabuuang 1,301 puntos upang maging tanging atleta na may pinakamaraming ginto sa sports na archery.
Tanging nakawala kay Villamor ang ginto sa 30m na napagwagian naman ni Ma. Ferime Gleam Bajado ng NIRAA sa tinipon nitong 334 puntos. Nakatakda pang sumabak si Villamor sa Individual Olympic Round, Team Olympic Round at Mixed Team Olympic Round para sa posibleng pitong ginto.
Samantala, anim na bagong swimming record at isa pa sa athletics ang naitala rito habang tuluyang lumayo na ang powerhouse National Capital Region para sa overall championships sa pagdomina nito sa elementary at secondary division na ginaganap sa Binirayan Sports Complex.
Humakot ang NCRAA ng kabuuang 25-12-12 (ginto-pilak-tanso) sa elementary habang 34-20-13 sa sekondarya para sa apat na araw na kabuuang 59-32-25 medalya. Nasa ikalawa ang Western Visayas na may overall tally na 17-11-17 at ikatlo ang CARAA na may 13-8-8 medalya.
Huling nagtala ng bagong record sa athletics si Ana Marie Eugenio ng Region 1 sa elementary girls 400m hurdles sa itinala nitong tiyempo na 1:08.03 na tumabon sa dating record ni Junelou Cabal ng Northern Mindanao na 1:08.6 noong 1998 Centennial Palaro sa Bacolod City.
Ang 11-anyos at incoming grade 7 sa Co Pang Tai Elementary School sa Alaminos City, Pangasinan at pangarap maging guro na si Eugenio ay nagawang lampasan ang pitong kalaban sa huling 200 metro
upang masungkit ang kanyang unang gintong medalya sa multi-sports na torneo.
“Sinunod ko lang po utos ni coach Dennis (Gamboa) na nasa likod lang muna tapos bombahin ko sa last 200m kaya ko po inabot iyung mga kalaban ko,” sabi ng isinilang sa San Jose City, Nueva Ecija na si Ana Marie na nasa gitna sa limang magkakapatid at may apat pa na event sa kanyang ikalawang sunod na pagsabak sa Palaro.
Nagawa naman burahin ni Drew Magbag ng NCR sa itinala na 2:28.28 ang katatala pa lamang umaga ng Miyerkules na bagong rekord ng kakampi nito na si Mark Jiron Rotoni na 2:28.85 sa secondary boys 13-17 200m breaststroke. Napabilis din ni Rotoni ang oras niya na 2:28.33 subalit nagkasya lamang ito sa ikalawa.
Ang iba pang nagtala ng record sa swimming ay sina Bela Louise Magtibay ng NCR sa nilangoy na 2:47.48 upang tabunan ang 19-taon na record ni Jenny Guerrero na 2:48.00 noong 1998 Bacolod Palaro habang itinala ni Sacho Maurice Ilustre ng NCR ang kanyang ikalawang record ngayong taon sa secondary boys 100m freestyle sa 52.97 nitong tiyempo upang burahin ang dati nitong record na 54.15.
Muli pa nagtala ng record ang grupo nina Jerald Jacinto, Drew Magbag, Andrei Pogiongko at Sacho Maurice Ilustre sa secondary boys 400m medley relay sa 4:01.16 nitong tiyempo na nagbura sa 2015 Tagum Palaro record na 4:07.06 nina Christian Sy, Magbag, Pogiongko at Ilustre.
Hindi naman nagpaiwan sina Samantha Coronel, Bela Louise Magtibay, Camille Lauren Buico at Zoe Hilario ng NCR na lumangoy ng mabilis na 4:35.09 sa secondary girls 400m medley relay para ibasura ang dating record na 4:38.89 nina Nicole Pamintuan, Bela Louise Magtibay, Suzanne Himor at Regina Maria Paz Castrillo noong 2015 Tagum Palaro.
Agad naman na tumuntong sa quarterfinals ng basketball ang hindi pa natatalo na 2015 gold medalist na NCR na dinurog ang CAR, 102-47, habang tinalo ng nagtatanggol na kampeon na Southern Tagalog ang nakatapat na Socssargen, 83-76.
Tig-dalawang ginto naman sa secondary boys ang iniuwi nina Veruel Verdadero ng STCAA sa pagwawagi sa 100m (10.96) at 400m (49.58) at Germar Marcelo ng DAVRAA sa 3,000m steeplechase (9:45.98) at 5,000m run (16:00.73) habang sa secondary girls ay si Kasandra Alcantara ng NCR na nagwagi sa discus throw (34.69 meters) at shot put (11.16 meters).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.