NAGING mahigpit na ang mga patakaran sa iba’t-ibang mga bansa hinggil sa pagtanggap ng kanilang mga manggagawa.
Kaya hindi na talaga puwede ang bulok na style ng mga Pinoy na magtutungo sa isang bansa bilang turista saka maghahanap ng trabaho doon.
Kamakailan ay ilang mga bansa ang dumagdag sa listahan na nag-anunsiyong dapat paboran muna o bigyang prayoridad ang kanilang mga kalahi bago kumuha ng mga dayuhang manggagawa.
Tulad na lamang sa Australia, ayon mismo kay Prime Minister Malcolm Turnbull, tatanggalin na nila ang “temporary work visa” na siyang ginagamit ng mga foreign workers at papalitan nila ito ng visa na nanga-ngailangan ng mas mataas na level ng English proficiency at work skills.
Dagdag pa ni Turnball, simple lamang ang kanilang reporma: Australian jobs at Australian values.
Sa pagpapatupad nito, makasisiguro silang ma-gagaling na manggagawang dayuhan ang makapapasok at makapagtatrabaho sa kanilang bansa at mas maraming pagkakataon naman na mapunta sa kanilang mga mamamayan ang mga nagbubukas na bagong patrabaho.
Pero may magandang balita naman para sa magkakaroon ng tsansang makapasok ng Australia. Dahil sa ilalim ng 457 Visa ng migrant workers, maaari nilang madala ang kanilang mga kapamilya sa Australia.
Kaya nga lamang talagang matinding paghihigpit ang gagawin ng pamahalaan ngayon ng Australia. Dati ay sinasamantala iyon ng mga employer para makakuha ng dayuhang manggagawa kahit hindi naman akma ang kanilang kakayahan sa kinakailangang patrabaho. Nilinaw din niya na hindi maaapektuhan ang dati nang naisyuhan na at may hawak na 457 Visa.
Isang araw matapos ang pahayag na ito ng Australia, sumunod naman ang New Zealand sa paglalabas ng kaparehong restriction nang magpahayag ang kanilang Immigration Minister na si Michael Woodhouse na ipatutupad na nila ang Kiwis-First Approach to Immigration, kung saan bibigyan ding prayoridad ang mga Kiwi bago kumuha ng ibang lahi o mga dayuhang manggagawa.
Dahil sa bagong panuntunan ng New Zealand, naniniwala si Woodhouse na mababalanse na nila ang usapin ng trabaho at mabibigyan ng sapat na pagsasanay ang mga Kiwi.
Kasama rin sa mga ipatutupad para sa mga susunod na buwan sa New Zealand ang minimum income requirement, immigration restrictions at lilimitahin na rin ang tagal ng panahon na pananatili ng mga seasonal workers sa kanilang bansa.
Kaya sa ating mga kababayan, dumaan na lamang kayo sa tamang proseso at nang hindi nagbabakasakali kung ano ang maaaring kahaharapin sa mga bansang ito kung aalis kayo nang ilegal.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (Lunes hanggang Biyernes, 10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali) audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.