PNP nagpatupad na ng manhunt sa pumugang American-Korean drug dealer
PINAGHAHANAP na ng Philippine National Police (PNP) ang American-Korean national na nakatakas sa isang ospital sa Quezon City noong Sabado.
Sinabi ni PNP Drug Enforcement Group (DEG) spokesperson Supt. Enrico Rigor na may ideya na ang pulisya sa posibleng kinaroroonan ni Jun No, na naaresto sa Pasay City dahil sa pagbebenta ng droga.
Nakatakas si No habang binabantayan ng dalawang operatiba matapos sumailalaim sa operasyon sa East Avenue Medical Center.
Nagrerekober pa lamang si No matapos na sumailalim sa appendectomy noong Abril 10 nang nagawa nitong makatakas ganap na alas-6:10 ng umaga noong Sabado.
Sinabi ni Rigor na imposible na makalabas si No ng Metro Manila sa harap na rin ng kanyang kondisyon.
“We have three special operations unit currently deployed and are working on a shifting basis closely monitoring the possible whereabouts of No,” sabi ni Rigor.
Kilala si No na isa sa malalaking nagsusuplay ng party drugs sa Malate, Maynila.
Nahuli si No ng mga operatiba ng PNP DEG habang nagbebenta ng 140 ecstasy tablet sa isang parking lot sa Pasay City noong Abril 5.
“He’s also involved in prostitution. His clients are his fellow Koreans who are also fugitives. He’s one of those responsible for the proliferation of drugs in rave parties,” sabi ni Rigor.
Sinamahan si No ng isang Darleen Son, sa ospital kasama ang dalawang guwardiya, sabi ni Senior Police Officer 2 Michael Macarubbo, ng PNP-DEG at Intelligence Officer 2 Ernie Eugenio ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Sinabi ni Rigor na binigyan ni Son si No ng P3,000 bago ito tumakas mula sa ospital.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.